Pananagutan | Pilipino Star Ngayon

IKAW AT ANG BATASAtty. Jose C. Sison – Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

ANG mga utang na kinuha ng asawa na nakakatulong sa kabuhayan ng pamilya ay pananagutan ng conjugal partnership o ari-ariang mag-asawa. Kaya kahit na isanla ng asawa ang kanilang ari-arian nang walang pahintulot ng kanyang asawa, hindi agad ito maaring ipawalambisa kung ang utang ay ginamit para sa kabuhayan ng pamilya.

Ito ang ipinakita sa kaso ng mag-asawang Ramil at Pauline. Si Ramil ay isang negosyante na bumibili at nagbebenta ng bawang at tabako sa kanilang probinsya. Siya ay kasal kay Pauline nang mahigit 20 taon at may sampung anak. Nakatira sila sa bahay at lote na nasa ilalim ng TCT No. T-4696, na kanilang nabili sampung taon na ang nakalipas.

Upang madagdagan ang puhunan sa negosyo, umutang si Ramil ng ?115,000 sa banko at isinangla ang kanilang bahay at lupa bilang collateral. Ang kasulatan ng sangla ay may pirma umano ni Pauline at ito ay notarized. Ngunit nang hindi nabayaran ang utang, isinagawa ng banko ang foreclosure at nakuha nila ang titulo ng ari-arian.

Pagkatapos ng isang taon na hindi ito na-redeem, inilipat ang titulo sa pangalan ng bangko at pinaalis ang pamilya ni Ramil. Dahil dito, nagsampa si Pauline ng kaso sa RTC upang ipawalambisa ang kasulatan ng sangla at ang foreclosure proceedings, dahil ayon sa kanya, hindi siya pumayag o lumagda sa dokumento.

Inamin naman ni Ramil na siya mismo ang pumirma sa halip ni Pauline at ginastos ang pera sa sarili. Gayunman, walang naipakitang ebidensya si Pauline, tulad ng handwriting expert, para patunayan na peke nga ang kanyang lagda.

Ayon sa banko, dahil ang dokumento ay notarized, ito ay itinuturing na public document at may presumption na totoo at regular ang pagkakagawa. Hindi sapat ang simpleng pagtanggi ni Pauline upang mapawalambisa ito.

Bagama’t pinaboran ng RTC si Pauline at idineklarang walang bisa ang kasulatan, hindi ito sang-ayon sa Korte Suprema. Ayon sa desisyon, ang notarized document ay may bigat na ebidensiya at ang pagtanggi ni Pauline ay hindi sapat upang mapawalambisa ito.

Kailangan ng matibay na patunay, gaya ng pagsusuri ng eksperto. At kahit pa sabihing hindi siya pumayag, mananatiling pananagutan ng conjugal partnership ang utang dahil ito ay ginamit ni Ramil para sa kanyang negosyo na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng pamilya.

Dahil dito, ang utang ay itinuturing na nakinabang ang buong pamilya. Kaya, binawi ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC at ibinasura ang reklamo nina Ramil at Pauline. Ito ang naging pasya sa Ros vs. PNB Laoag Branch (G.R. No. 170166, April 6, 2011, 647 SCRA 334)


Related posts

12-anyos na lalaking ‘hitman’ sa Sweden, nahuli matapos barilin ang maling tao!

Diborsiyo | Pilipino Star Ngayon

Libreng toll, siksik ang NAIA