Pagsakit ng ulo | Pilipino Star Ngayon

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

ANG pagsakit ng ulo ang madalas ireklamo ng pasyente sa kanilang doktor. Ang iba ay natatakot na baka kung ano na ang masamang sanhi nito. Ngunit huwag mangamba, karamihan ng sakit ng ulo ay hindi delikado.

Una, kung ang sakit ng ulo ay sumasabay sa pagbasa ng diyaryo o pagtrabaho sa harap ng computer, malamang may diperensya ang iyong mga mata. Magpagawa ng salamin at magpatingin sa optometrist o ophthalmologist.

Pangalawa, kung labas pasok ka sa malamig at mainit na lugar, puwede ring sumakit ang ulo. Hindi po ito masama. Naninibago lang ang mga ugat natin sa ulo dahil sa pagbabago ng panahon.

Pangatlo, kung ang sakit ng ulo ay gumiginhawa sa pagmamasahe ni Misis, malamang ay stress o tensiyon lang iyan. Naninikip kasi ang mga muscles ng ulo natin kapag naii-stress. Ang ibig sabihin, marami kang iniisip, maraming problema at kulang sa budget, kaya sasakit talaga ang ulo.

Ang mga nabanggit ko na sanhi ng sakit ng ulo, mula sa mata, sa pagbago ng panahon at sa stress ay puwede nang hindi ipa-check sa doktor.

Kailan dapat kumunsulta sa doktor? Kapag matindi ang sakit ng ulo, kung may kasamang lagnat, pagsusuka o panghihina, isangguni na sa doktor. Kunin din ang blood pressure. Kapag mataas sa 140/90, posible rin na altapresyon ang dahilan ng pagsakit ng ulo.

Ang mga sakit na binabantayan ng doktor ay ang stroke at brain tumor. Ang sintomas nito ay ang panghihina o pamamanhid ng katawan.

Ang migraine ay isa ring pangkaraniwang dahilan ng sakit ng ulo. Malalaman mo na migraine iyan dahil kalahati lang ng ulo ang sumasakit. Mefenamic acid o aspirin ang gamot sa migraine.


Related posts

12-anyos na lalaking ‘hitman’ sa Sweden, nahuli matapos barilin ang maling tao!

Diborsiyo | Pilipino Star Ngayon

Libreng toll, siksik ang NAIA