Paano mabuhay nang wala si Mommy, kung siya ang lakas ko?


Isang tanong na hindi ko masagot, kahit taon na ang lumipas.

Pero sa bawat araw na kayang ituloy, sa bawat laban na nalalampasan, ang sagot ay unti-unting lumilitaw: sa pagmamahal niyang iniwan, sa panalangin niyang iniukit sa langit, sa alaala niyang bumabalot sa puso ko—doon ko siya muling nararamdaman.

At doon ko rin natutunang lumaban, maging ina, at magmahal tulad niya.

Ngayong ako’y isa na ring ina, mas ramdam ko ang mga takot at tanong na dati mong kinikimkim. At ngayong ako na si Momma para kina Bleu at Blake, mas nauunawaan ko—na kahit may asawa at mga anak ka na, kailangan mo pa rin ang iyong Ina.

May mga araw na bigla na lang akong naiiyak. Habang naglalakad sa grocery, nagkakape, o nagpapamasahe—mga simpleng bagay na dati nating ginagawa.

Ngayon, alaala na lang sila, pero sobrang tindi ng kirot at pangungulila. Miss na miss kita, Mommy.

Ikaw ang naging daan para mapunta ako sa kung saan ako inilaan ni Lord. Ikaw ang unang nagsabi na kunin ko ang Mass Communication—para matutunan kong lampasan ang hiya at takot ko sa tao. Ikaw ang unang naniwala na kaya ko rin ang ginagawa ng iba. Kaya nga sobra ang tuwa mo noong naging parte ako ng theater program sa school. Proud na proud ka. Lagi kang andoon sa audience—nakangiti, nakatitig, at tila sinasabi sa ‘king, “Kaya mo ‘yan, anak.”

Pagkatapos ng graduation, hindi mo ako pinilit agad magtrabaho. Ikaw pa ang nagsabi, “Magpahinga ka muna, anak. Kapag nagtrabaho ka na, tuloy-tuloy na ‘yan.” Ngayon ko lang lubos na nauunawaan kung gaano ka kaalaga, kaunawa, at ka-mahal.

Nang sinabi ko sa ‘yong gusto kong magtrabaho sa media, natakot ka.

Pero mas malakas ang pananalig mo kaysa sa takot mo. Sa bawat tagumpay ko, doble ang tuwa mo. Lalo na nu’ng nalaman mong natanggap ako sa GMA-7. Sariling sikap. Proud ka kahit minsan ako mismo, hindi ko alam kung proud ako sa sarili ko. Pero ikaw, walang pag-aalinlangan.

Dahil sa pagmamahal at paniniwala mo, kahit gusto ko nang bumitaw, pinanghahawakan ko ang mga iniwan mong salita: “Bakit mo bibitawan ang isang bagay na mahal mo at pinaghirapan mo—dahil lang nahirapan ka?”

Sabi mo rin, “Minsan kailangan lang magpahinga kung pagod ka, pero hindi ibig sabihin nu’n susukuan mo na ito.”

Iyan ang paulit-ulit kong binubulong sa sarili ko ngayon—bilang ina, bilang reporter, bilang anak mo.

Mula pagkabata, wala kang inintindi kundi ang pamilya mo.

Lahat ng saya at unos na pinagdaanan natin, tiniyak mong hindi namin masyadong maramdaman.

Nagpakatatag ka para walang bumigay sa amin. Para matuto kaming tumayo kahit pa nadapa.

Mula sa paghatid  sa amin ni Ciara sa school araw-araw, sa paghahanda ng baon namin—walang araw sa buhay mo na hindi ka naging nanay.

May mga iniinda ka na sa katawan, pero pinili mong hindi magsabi. Tiniis mo ang sakit, kasi kami pa rin ang inisip mo.

At dahil kami pa rin ang inisip mo… patuloy kang lumaban.

Sa lahat ng sakripisyo…

Sa lahat ng pag-aaruga…

Sa lahat ng pagmamahal…

Sa bawat araw ng paglaban…

Tunay na walang makakapantay sa ‘yo, Mother Dear.

Iba talaga ang paniniwala at pagmamahal ng Ina—ang layo ng nararating.

Kahit mahirap, nakakaya. Kahit mag-isa, parang buong mundo kakampi mo, basta kasama mo ang dasal at gabay ng nanay mo.

Kaya para sa mga may pagkakataong makasama pa ang kanilang Mommy—yakapin niyo. Pahalagahan niyo.

Dahil kahit ano ka pa—gaano ka pa kayaman, kasikat, o matagumpay—iba pa rin kapag wala na ang taong unang-unang nagmahal at tumanggap sa’yo kahit hindi ka perpekto.

Happy Mother’s Day in heaven Mommy!

I love you so much!

Love,

Your pretty daughter, Jamie



Source link

Related posts

EDITORYAL – Linisin ni Torre dungis ng PNP

Avenue dwellers napakarami | Pilipino Star Ngayon

Tatlong isyung hahadlang sa paglilitis ni VP Sara