November 2, 2025 | 12:00am
HINILING ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Court of Appeals (CA) na i-contempt si ex-Baguio congressman Nicasio Aliping Jr. sa diumano’y patuloy na konstruksiyon at pagpapaganda ng kanyang ari-arian sa loob ng Mount Sto. Tomas Forest Reserve sa Tuba, Benguet.
Ayon sa DENR, nilabag ng ex-congressman ang 2015 Permanent Environmental Protection Order (PEPO) at Writ of Kalikasan na iginawad noon pang 2015 ng CA na nagbabawal ng anumang uri ng pagdebelop sa Mt. Sto Tomas, isang protektadong watershed.
Hindi ordinaryong lupain ang Mt. Sto. Tomas kundi’y ito ay pinagkukunan ng tubig ng malaking bahagi ng Baguio at Benguet.
Naging kontrobersiyal ang lugar noong 2014 nang minassacre ang aabot sa 700 pine trees ng road development ng property ni Aliping na mitsa ng PEPO ng CA upang pigilan ang pagbalahura sa protected area.
Ngunit base sa mga inspeksyon ng DENR nitong 2024 at 2025, nagpatuloy pa rin ang mga aktibidad—bagong istrukturang bakal at konkreto, mga “pagkukumpuni” na lampas sa simpleng maintenance, at mga bahagi ng lugar na hindi pinayagang siyasatin ng mga inspektor ng pamahalaan.
Ipinagsawalang-bahala lamang ng dating kongresista ang paglabag sa PEPO, bagay na kung iisipin ay tila pagpapakita ng hindi pagtangan at pagsunod sa batas at pananagutan sa kalikasan.
Kapag isang dating kongresista—na sinubukan nang gumawa ng mga batas para sa bansa—ay siya ring unang lumalabag dito, nawawala ang paggalang ng publiko sa otoridad, lalo na sa mga institusyon.
Kaya hindi na bago sa publiko ang pangambang baka maulit ang parehong pagkakamali—sa isang lugar na dapat ay matagal nang ipinagpapahinga ng kalikasan.
Mahalagang igiit ng CA ang ngipin ng PEPO na hindi lamang isang pirasong papel na kinakalimutan, kundi legal at moral na panawagan na pangalagaan ang isang natatanging likas-yaman.
Ang batas ay hindi dapat nakabatay sa kung gaano kalaki ang pangalan o impluwensiya ng isang tao. Kung ordinaryong mamamayan nga’y pinagbabawalang makapunta sa tuktok ng Mt. Sto Tomas upang makapamasyal, bakit pwede ang magtayo ng gusali at muling makapaminsala sa napinsala nang lupain?
Panahon na para patunayan na ang mga batas, lalo na sa pangkalikasan ay pantay para sa lahat.
Panahon na ring i-demolish ang mga ilegal na istruktura na ipinatayo bilang pagpapatupad ng PEPO at bilang mensaheng dapat marinig sa buong bansa— na ang bundok, tubig, at kagubatan ay hindi pwedeng bilhin, ipagmayabang, o paglaruan ng sinuman—kahit pa siya ay dating mambabatas.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]