NAIA Oplan Undas 2025, walang iwanan, walang abala!

ORA MISMOButch M. Quejada – Pilipino Star Ngayon

October 29, 2025 | 12:00am

NGAYONG Undas, habang karamihan ay uuwi sa probinsiya para dalawin ang mga mahal sa buhay, sinisigurado ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na magiging maayos, ligtas, at kom­portableng biyahe ng bawat pasahero sa paliparan. Sa totoo lang, bihira nating marinig ‘yung ganitong antas ng pag­hahanda — pero ngayon, ibang klase.

Simula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3, 2025, mahigit 1.35 milyong pasahero ang inaasahang daraan sa NAIA, mas marami pa kaysa noong nakaraang taon. Pero ayon kay NNIC President Ramon S. Ang, handang-handa na raw ang buong team para masigurong walang sabit ang biyahe ng bawat Juan.

Dagdag pa rito, mahigpit ang koordinasyon ng NNIC sa MIAA, DOTr, OTS, PNP-ASG, Bureau of Immigration, at Bureau of Customs. May mga K-9 units, special ops, at assistance counters din sa bawat terminal para tulungan ang mga pasaherong naliligaw, may tanong, o may naiwang gamit.

At hindi lang ‘yan. Dahil nasa ikalawang Undas na ito ng NAIA sa ilalim ng pribadong pamamahala, ramdam na talaga ng mga pasahero ang pagbabago. May 92.29 percent on-time flights pinakamataas na record ng NAIA sa kasaysayan. May 51.7 milyong pasahero sa unang taon ng operasyon tumaas ng 4 percent mula dati.

Umabot sa ?57 bilyon na remitado sa gobyerno, kabilang ang ?30 bilyong paunang bayad. May ?3.25 bilyon na agad na ipinasok sa modernisasyon ng mga pasilidad. Ibig sabihin, hindi lang ito basta pagpapaganda ng airport  kundi totoong aksyon para sa ginhawa ng bawat Pilipino.

Ngayon, mas maayos na ang aircon, ilaw, at Wi-Fi, wala nang baha sa labasan, mas maluwag na ang mga curbside, at may automated parking at TNVS hub pa. Kung dati parang gubat ang traffic sa labas ng NAIA, ngayon, mas madulas at mas disente na ang daloy.

At kung nagugutom bago ang flight, may mga bagong food hall at restaurant na siyam na nga sa Terminal 3 ang bukas na. Bukod sa comfort ng mga pasahero, nagbubukas din ito ng trabaho at negosyo para sa mga kababayan natin.

Hindi rin pahuhuli sa tech upgrades — halos tapos na ang 586 bagong flight info displays, 517 biometric check-in systems, at 78 e-gates sa Immigration para tuluy-tuloy at mabilis ang galaw. Ang linis, ang tahimik, at ang saya ng experience — parang ibang bansa, pero NAIA pa rin!

Para naman sa mga biyahero, paalala lang ng NNIC:  Dumating tatlong oras bago ang international flight, dalawang oras sa domestic. Huwag magdala ng bawal na gamit. At  ingatan ang mga gamit at valuables.

Ang mensahe ng NNIC malinaw, “Hindi kailangang stressful ang Undas travel. Basta magplano ka, kami na bahala sa maayos mong biyahe.” At sa nakikita ko ngayon, mukhang hindi ito puro salita lang  may gawa, may resulta, at may malasakit.

Sa totoo lang, kung ganito palagi ang sistema sa NAIA, baka hindi na tayo sanay ma-late o ma-stress sa airport. Ngayon, masasabi natin: “NAIA, level up na talaga.”

Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon batay sa mga pampublikong pahayag at ulat ng NNIC. Layunin nitong magbigay ng impormasyon at inspirasyon sa publiko.


Related posts

Estudyante, nagkaroon ng mental health problem matapos manood ng horror movie sa school!

Bakit may fatty liver? | Pilipino Star Ngayon

Crime gang leader, timbog sa intel ni Peñones!