December 2, 2025 | 12:00am
MARAMING pera ang kinulimbat ng mga kawatan sa pamamagitan ng flood control anomaly kaya walang tigil ang pagra-rally ngayon. Gusto nilang maipakulong ang mga magnanakaw upang mapanagot ang mga ito at maisauli na ang pera sa kaban ng bayan.
Pero naisip ko, paano mababawi ang mga pera kung ang ilang importanteng tao sa pagkulimbat ng pondo ay nasa ibang bansa at patuloy na namamayagpag gamit ang pera ng bayan.
Katulad na lamang ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na kahit kinansela na ang passport ay hindi pa matukoy ang kinaroroonan nito. Sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr., na lumilit na ang mundo ni Co. Hinamon niya si Co na umuwi sa Pilipinas at harapin ang kaso.
Kahit saan daw pumunta si Co ay masusundan ito kaya wala na itong kawala. Madadakip daw ito sa lalong madaling panahon.
Sinampahan na ng kaso si Co at iba 14 pang opisyal ng DPWH dahil sa maanomalyang flood control projects sa Naujan Oriental Mindoro. Ang flood project sa Naujan ay nakopo ng kompanyang Sunwest Construction Corp. na pag-aari ni Co. Nagkakahalaga ang project nang tumataginting na P289 milyon.
Nabatid ko naman na marami ang sumusuporta kay Marcos at naniniwala silang maibabalik ang mga ninakaw na pera at mapananagot ang mga kawatan.
Marami naman ang natuwa nang magsauli ng pera si dating DPWH Engr. Henry Alcantara ng P110 milyon sa Department of Justice (DOJ). Magsasauli rin ng pera si dating DPWH Usec Bernardo.
Ang mga contractor kaya gaya nina Discaya, kailan magsasauli ng pera? Malaking bagay kapag naisauli ang pera. May gagamitin na para sa kapakanan ng mga mahihirap.
Sa tingin ko, seryoso si Marcos na mabawi at maipakulong ang mga sangkot sa maanomalyang flood control project. Sabi ni Marcos, sa kulungan daw magpapasko ang mga magnanakaw. Wala raw merry ang Christmas ng mga ito. Sana nga totoo na may makulong na at sana “higanteng isda”. Maibalik sana lahat ng ninakaw.