Mga gagawin kapag sumakit ang tuhod

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

November 22, 2025 | 12:00am

ANG arthritis, sobrang katabaan at sobra sa ehersisyo ang kadalasang dahilan kaya sumasakit ang tuhod.

Narito ang mga payo para hindi sumakit ang tuhod:

• Huwag magbuhat ng mabibigat. Kung mayroon kang bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat.

• Huwag palaging umakyat at bumaba sa hagdanan. Malaki ang stress sa tuhod ng paggamit ng hagdan.

• Huwag tumayo o maglakad nang matagal. Umupo paminsan-minsan at magpahinga. Mas relaks ang tuhod kapag nakaupo.

• Huwag mag-high heels. Alam kong mas sexy ang babae kapag naka-high heels, pero malaki rin ang stress nito sa tuhod.

• Huwag lumuhod sa sahig. Nakasisira ito ng tuhod. Kapag nasa simbahan, gamitin ang malambot na kutson para sa iyong tuhod.

• Kung mataba, magpapayat. Hindi kaya ng tuhod ang bigat ng tiyan.

• Gumamit ng rubber shoes o malambot na sapatos.

• Palakasin ang masel sa hita. Puwede ang stationary bike o mag-bending exercise ng bahagya. Masama ang sobrang pagbaluktot ng tuhod lampas sa 90 degrees.

• Kapag umiinit ang tuhod sa matagalang paglalakad, puwedeng lagyan ng malamig na bag o cold compress.

• Palakasin ang buto. Uminom ng skim milk na may maraming calcium. Para sa mga kababaihan, uminom din ng calcium supplements.

• Subukan ang Glucosamine at chondroitin tablets. Ang supplement na ito ay maaaring makabawas sa sakit ng tuhod.

• Kapag hindi nawala ang sakit sa tuhod, kumunsulta sa orthopedic surgeon o rheumatologist.


Related posts

Bitin ang Pasko ng Pilipino

EDITORYAL — Kian, matatahimik na, sana ang iba ring EJK victims

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!