November 3, 2025 | 12:00am
ARAW-ARAW tumataas ang presyo ng ginto sa mundo. All-time high, anang analysts. Papalo raw sa $5,000 per ounce sa 2026.
Hanggang ngayon masikreto ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagbenta nito ng ginto nu’ng unang bahagi ng 2024. Inanunsiyo nu’ng Sep. 2024 na nagbenta sila ng 24.95 tonelada.
Wala ng ibang detalye. Ayaw sabihin ng BSP kung magkano, bakit biglaang nagbenta, kani-kanino, negotiated ba o nagkaroon man lang ng international auction.
Ang BSP ay bahagi ng gobyerno. Ang gold at foreign currency reserves nito ay pag-aari ng taumbayan. Pero ikinukubli sa madla kung tumubo o palugi ang presyong pagbenta sa ginto.
Tinataya ng mga eksperto na $2 bilyon ang halaga ng 24.95 tonelada, na 15.69 percent ng gold reserves ng Pilipinas. Pinakamalaking bultong benta ‘yon sa mundo nu’ng 2024.
Nasa $2,078 per ounce ang ginto nu’ng katapusan ng 2023. Pinakyaw ng mayayamang bansa. Gan’un kasi kapag laganap ang gulo. Nag-giyera nu’ng Oct. 2023 ang Israel kontra Hamas Palestinians sa Gaza, Hezbollah sa Lebanon, at Houthi sa Yemen. Tumindi rin ang labanan ng Russia at Ukraine. Muntik madamay ang European Union.
Nu’ng 2024 nanguna ang China sa pangangalap ng ginto at pilak. Palihim siya, para hindi tumaas masyado ang presyo. Pero natiktikan ng mga eksperto na 400 tonelada ang binili ng China nu’ng unang bahagi ng taong ‘yon. Sa China kaya nagbenta ang BSP?
All-time high din sa $2,718 per ounce ang presyo ng ginto nu’ng nagtapos ang 2024. At nu’ng nakaraang buwan, Oct. 2025, lumampas na sa $4,274 per ounce.
Dapat umamin ngayon ang BSP kung magkano ang pagbenta nu’ng 2024. Huhusgahan sila kung tama o mali ang ginawa nila. Utos ng Kontitusyon na isapubliko lahat ng transaksiyon ng gobyerno.