October 28, 2025 | 12:00am
KADALASAN ang pangunahing pagkaantala ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad ay ang sobrang pa-epal ng ilang mga dating pulitiko na kumukontra sa mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto. Nasubukan ko na ito, matapos na muling bahain ang 15 bayan sa Capiz matapos na hagupitin ng Bagyong Ramil.
Mabilis kumilos si Department of Social Workers Development secretary Rex Gatchalian at nabigyan agad ng tulong ang mga biktima. Ang masaklap, habang pinuproseso ang pamumudmod ng ayuda sa mga biktima, iba’t ibang kuro-kuro ang naglabasan kabilang na riyan na may pinipili umano ang mga nakaupong local government officials at mga kapanalig sa barangay. Nangingialam din umano ang mga dating LGUs na walang ginawa sa kanilang mga kababayan sa tuwing may kalamidad, na halos hindi mo makitang nakikipagkita sa mga nabiktima.
Subalit ngayon na pinabibilis na ang pagsagip sa ating mga kababayan, halatang nagpapakitang gilas sa pamamagitan nang pag-udyok sa ilan nilang mga kapanalig na kutyain ang mga nakaupong opisyales ng mga bayan-bayan upang maibaling na nagmamalasakit itong mga pulpol na dating LGUs.
Masasabi kong epekto na ito nang malawakang kurapsyon na naganap sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na minaniobra ng mga buwayang senador at kongresista at maging sa ilang mga ahensiya ng pamahalaan.
Nawawala na ang tiwala ng ating mga kababayan sa tuwing pinag-uusapan ang pagpapalabas ng budget sa anumang proyekto ng pamahalaan kabilang na itong pagpalabas ng P28 milyon para iayuda sa mga nabiktima ng baha sa Capiz.
Kaya ito ang nakikitang pagkadismaya ng ilan nating mga kababayan sa Capiz nang magpamudmod ng tulong ang pamahalaan ni PBBM sa pamamagitan ng DSWD at LGUs. Isumbong natin kay PBBM ang mga ito upang hindi na sila makapamayagpag sa lipunan.