November 5, 2025 | 12:00am
GRABE, ‘di na talaga nakagugulat pero nakakagalit pa rin. Lima raw na “ghost flood control projects” sa Bulacan ang nadiskubre at kung totoo lahat ng paratang, hindi lang pera ng bayan ang nilamon dito, kundi pati tiwala ng mga tao sa gobyernong dapat ay naglilingkod, hindi nangungurakot.
Ngayon, sabi ng Department of Justice (DOJ), pina-subpoena na nila ang mga dawit sa kalokohan mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, Arjay Domasig, at JP Mendoza. Ayon sa DOJ, nagsimula na raw ang imbestigasyon.
Maganda ‘yan, pero teka lang… ilang beses na nating narinig ‘yang linyang “iniimbestigahan na po” tapos after ilang buwan, tahimik na. Parang project din na multo may budget, may pangalan, pero walang nangyayari. Ang tanong ngayon. Sino talaga ang utak ng operasyon? Hanggang saan umabot ang sabwatan? At bakit parang napakadaling gumawa ng “ghost project” sa gobyerno paulit-ulit, taun-taon, rehiyon-rehiyon?
Hindi ito basta palpak na sistema. ‘Wag nating tawaging simpleng “kalokohan.” Ito ay malalim na sabwatan may pirma, may papel, may koneksiyon. At kung walang makulong dito, ibig sabihin, kasabwat pa rin ang sistema mismo.
Tandaan natin: bawat pisong ninanakaw ay galing sa pawis ng mga taong nagbabayad ng buwis mga tricycle driver, tindera, empleyado, OFW. At ‘yung dapat sana’y proyekto para sa flood control, nauwi sa corruption control kasi puro kontrol ng pera, hindi ng baha!
Kaya ‘eto lang ang hamon: walang sasantuhin. Kung gusto nating bumaba ang baha, dapat muna nating patuyuin ang putik sa loob ng gobyerno. Kung ‘di mapaparusahan ‘tong mga “multo” na ‘to, asahan nating taun-taon, babahain pa rin tayo hindi lang ng ulan, kundi ng katiwalian.
