Lalaking bulag, bumalik ang paningin sa tulong ng kanyang mga ngipin!

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

ISANG lalaki sa Canada na 21 taon nang bulag ang muling nakakita matapos sumailalim sa isang pambihira at kumplikadong medical process na tinatawag na “tooth-in-eye” surgical procedure.

Ang kanyang ­emosyonal na reaksiyon sa muling pagkakaroon ng paningin ay nagbigay ng inspirasyon sa marami.

Si Brent Chapman, na nabulag sa edad na 13, ay isa sa tatlong pasyente na sumailalim sa operasyon sa Vancouver. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ang process sa Canada.

Matapos ang halos 50 operasyon sa kanyang mga mata na hindi matagumpay, ang “tooth-in-eye” surgical procedure ang naging huling pag-asa para kay Chapman.

“Napakasarap sa pakiramdam. Bumalik ang ­paningin ko at… ito ay isang bagong mundo,” emosyonal na pahayag ni Chapman.

Ang Tooth-in-Eye Surgical procedure, na unang binuo noong Sixties, ay isang two-part surgical procedure para sa mga could malubhang corneal ­blindness.

Kabilang dito ang pagbunot sa isa sa mga ngipin ng pasyente, paglalagay ng isang plastic lens sa loob nito, at pagtatahi ng buong ngipin sa eye socket ng pasyente.

Ginagamit ang ngipin dahil ito ay isa sa mga pinakamatigas na organic substance sa katawan ng tao, na nagpapababa sa tsansa ng rejection o pagtanggi ng katawan sa implant.

Ito ay nagsisilbing pure na “casing” o lalagyan para sa synthetic na lens.

Ayon sa ophthalmologist na si Dr. Greg Moloney, na nagsagawa ng operasyon, ang makitang bumalik sa mundo ang kanyang mga pasyente ay isang “hindi kapani-paniwalang pakiramdam”.

Para kay Chapman, ang pinaka-emosyonal na sandali ay nang una niyang makita muli ang kanyang doktor.

“Nang magtama ang aming mga mata ni Dr. Moloney, pareho kaming napaiyak… 20 taon akong hindi nakipag-eye contact,” kuwento niya.

Ngayon, inaasahan ni Chapman na gugulin ang kanyang oras kasama ang pamilya, maglakbay, at magtrabaho. Ito ang mga bagay na hindi na niya inaakalang magagawa pa.


Related posts

Bersamin, kumambiyo sa Napolcom decision!

EDITORYAL — Bantayan, mga kontratista na kasabwat ng DPWH officers

Dredging, sagot sa rumaragasang lahar