Lalaki sa Russia, taun-taon nagpapalit ng pangalan para makatakas sa pagbibigay ng sustento sa anak!

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

November 16, 2025 | 12:00am

ISANG pambihirang kaso ang isiniwalat ng mga awtoridad sa Tyumen, Russia, tungkol sa isang ama na gumawa ng matinding modus para lamang takasan ang kanyang obligasyon sa anak: ang taun-taong pagpapalit ng kanyang pangalan.

Ayon kay Roman Korenev, ang pinuno ng bailiff service (ahensyang responsable sa pagkolekta ng mga bayarin) sa Tyumen, ang nasabing lalaki ay legal na pina­palitan ang kanyang buong pangalan.

Pagkalipas ng isang taon, ibinabalik niya umano ito sa dati niyang pangalan, at muling inuulit ang buong proseso.

Ang layunin umano nito ay para malito ang mga awto­ridad, makaiwas sa mga bailiff, at “ma-zero” o mabura ang kanyang utang na child support.

Gayunman, nilinaw ni Korenev na ang modus ng lalaki ay “walang silbi.”

“Kapag nagpalit ng pangalan ang isang tao, ang registry office (katumbas ng Civil Registrar) ay awtomatikong inire­report ang impormasyong ito sa mga bailiff,” paliwanag ni Korenev. “Kaya hindi makatatakas ang may utang sa pagbabayad ng child support sa ganitong paraan.”

Hindi ito ang unang beses na nakaranas ang mga awto­ridad sa Tyumen ng mga kakaibang palusot.

Ibinahagi rin nila na may isang lalaking nagpanggap na may agoraphobia (matin­ding takot na lumabas ng bahay) para lang hindi mapasok ng mga bailiff ang kanyang tahanan upang makumpiska ang ari-arian.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac