November 26, 2025 | 12:00am
Sa loob ng tatlong taon, itinago ng lalaki ang bangkay ng kanyang inang si Graziella Dall’Oglio, 82, sa kanilang laundry room. Binalot niya ito sa kumot at sleeping bag hanggang sa tuluyan nang ma-mummify ang bangkay.
Upang hindi mahalata at tuluy-tuloy ang pasok ng pension, ginaya niya ang itsura ng ina. Nag-ahit siya ng balahibo sa katawan, naglagay ng makeup, lipstick, at nail polish, at nagsuot nang mahabang palda at perlas.
Nabuko ang modus nang pumunta siya sa opisina ng gobyerno para i-renew ang ID card ng ina. Agad naghinala ang mga staff dahil sa kanyang makapal na leeg, kutis, at boses na paminsan-minsa’y nagiging panlalaki.
Nang puntahan ng mga pulis ang kanilang bahay, natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Graziella. Tinatayang kumita ang lalaki ng €53,000 (katumbas ng mahigit 3.3 million pesos) kada taon mula sa pension at kita ng mga ari-arian ng ina.
Nahaharap siya ngayon sa kasong concealing a body at benefit fraud.