November 22, 2025 | 12:00am
ISANG lalaki mula sa China ang itinanghal na kampeon sa isang kakaibang kumpetisyon sa Baotou City, Inner Mongolia, matapos niyang kayanin na humiga sa kutson sa loob ng 33 oras nang hindi tumatayo o gumagamit ng banyo.
Ang paligsahan, na ginanap noong November 15, ay nilahukan ng 240 katao. Ito ay hango sa sikat na internet slang sa China na “tang ping”, na tumutukoy sa pagtigil sa sobrang pagtatrabaho at pagpili sa mas relaks na pamumuhay.
Simple lang ang rules: kailangang manatiling nakahiga sa kutson ang mga kalahok. Pinapayagan silang gumulong, magbasa, kumain, o gumamit ng smartphone, ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagtayo at pagpunta sa comfort room.
Ang huling matitirang nakahiga ang mananalo.
Matapos ang unang 24 na oras, 186 na kalahok agad ang na-eliminate o sumuko. Habang tumatagal, lalong naghihigpit ang mga patakaran hanggang sa iilan na lang ang natira.
Sa huli, tumagal at nagwagi ang kalahok na nakatagal ng 33 oras at 35 minuto.
Ayon sa mga ulat ng Chinese media, inamin ng nanalo na gumamit siya ng diapers para hindi na kailangang pumunta sa banyo, isang estratehiya na ginawa rin ng ibang mga sumali kaya hindi ito itinuring na paglabag sa rules.
Nag-uwi ang kampeon ng premyong 3,000 yuan (mahigit P24,500). Ang second place naman ay nakakuha ng 2,000 yuan, at ang third place ay 1,000 yuan.
Naging patok ang kumpetisyon sa China, kung saan 10 milyong viewers ang sumubaybay sa livestream nito.