Lalaki sa China na gumawa ng sariling pustiso upang makatipid, nanganganib na maubos ang mga ngipin!

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

September 7, 2025 | 12:00am

ISANG lalaki sa China ang nanganganib na maubos ang lahat ng kanyang ngipin matapos niyang subukang gumawa ng sarili niyang pustiso gamit ang isang uri ng resin na binili niya on-line sa halagang 5 yuan (humigit-kumulang P40).

Ayon sa isang dentista na si Ms. Liu, dumating sa kanyang klinika ang isang matandang kliyente na ang mga ngipin ay nabalot ng isang matigas na kulay brown na substance.

Nais umanong makatipid ng lalaki sa mamahaling dental process kaya nagpasya siyang gumawa ng sarili niyang pustiso. Subalit, naging palpak ang kanyang ginawa at napilitan siyang humingi ng tulong sa propesyonal.

Ang resin ay isang uri ng artificial polymer na nagiging matigas at matibay sa pamamagitan ng proseso ng polymerization, kaya ginagamit sa dental supplies.

Bagama’t gamit ito sa paggawa ng pustiso, delikado kung hindi propesyonal ang gagamit.

Sa kasamaang palad, maging ang mga dentista ay nahirapang tumulong. “Sinabi niya na hindi naglakas-loob ang ospital na galawin ito, at sinabi ko na wala rin kaming magagawa,” sabi ni Liu, na ibinahagi ang kuwento on-line bilang isang babala sa publiko.

Dahil sa nangyari, nanganganib ngayon ang lalaki na maubos ang lahat ng kanyang ngipin, kung mayroon mang maglala­kas-loob na tanggalin ang matigas na resin.

Ang kanyang kaso ay isang matinding paalala na ang mga medical at dental process, bagama’t magastos, ay dapat lamang ipaubaya sa mga lisensiyadong propesyonal.


Related posts

1st runner up sa newest search…Oranbo City Backyard

3 madre, tumakas sa retirement dwelling at bumalik sa dati nilang kumbento!

Mga tip kung paano palalabasin ang plema