Lalaki sa China, gumastos ng milyon para magkaroon ng pekeng 8-pack abs!

MGA KUWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

Nag-viral online ang isang Chinese influencer matapos niyang aminin na gumastos siya ng 4 million yuan (katumbas ng mahigit P32.8 million) upang magkaroon ng pekeng 8-pack abs.

Ang fashion and beauty content creator, na si Andy Hao Tienan, ay nagsabing hindi niya makuha ang abs sa natural na paraan o sa pag-eehersisyo.

Kamakailan, nag-viral siya nang magbayad para sa 40 doses ng hyaluronic acid na itinurok sa kan­yang mga balikat, collarbones, dibdib, at tiyan. Ayon sa kanya, 20 porsyento na raw ng kanyang buong katawan ay hyalu­ronic acid.

Ipinagmalaki ni Andy na kung hindi mawawala ang kanyang abs sa loob ng tatlong taon, mag-aaplay siya para sa Guinness World Record para sa titulong “longest-lasting artificial abs.”

Ayon kay Andy, ang kanyang abs ay “mas nagmumukhang natural” habang tumatagal at hindi naman nagdidikit-dikit.

Gayunman, nagbabala ang mga medical experts na ang ginagawa ni Hao ay maaaring magdulot ng malulub­hang pangmatagalang epekto.

Kabilang dito ang bone erosion (pagkasira ng buto), blood vessel necrosis (pagkamatay ng mga ugat), pag­hina ng natural na muscles, at acid pouch displacement o ang pag-usog ng acid sa ibang bahagi ng katawan.

Wala raw planong tumigil si Hao hangga’t hindi niya naaabot ang kanyang goal na 10,000 turok ng hyalu­ronic acid.

Habang ang ilan ay humanga sa kanya dahil nakahanap siya ng paraan para magmukhang fit nang hindi nag-eehersisyo, marami naman ang nagsasabi na mas magastos ang pag-maintain ng pekeng abs kaysa sa natural na pagpapalakas ng katawan.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac