Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

MGA KWENTONG WEIRDRonniel Niko B. Halos – Pilipino Star Ngayon

December 23, 2025 | 12:00am

ISANG engineer sa Jiangsu Province, China ang idinemanda ang kanyang dating employer matapos siyang sibakin sa trabaho dahil sa kanyang bathroom break na tumatagal ng apat na oras!

Mahigit isang dekada nang empleyado ang engineer na si “Li” sa naturang kompanya, ngunit noong nakaraang taon, napansin ng management na madalas siyang wala sa kanyang desk.

Bilang depensa ng kompanya sa korte, naglabas sila ng surveillance footage na nagpapakita na sa loob ng 30 days (mula April hanggang May 2024), 14 na beses na nakapagtala si Li nang mahahabang break.

Ang pinakamalala rito ay tumagal siya ng 4 hours sa loob ng CR sa isang shift.

Dagdag pa ng kompanya, sinusubukan nilang i-message si Li sa kanyang cell phone habang nawawala ito, ngunit hindi ito sumasagot, isang paglabag dahil ang kanyang posisyon ay nangangailangan ng constant availability.

Ang depensa ni Li, hindi siya nagbubulakbol kundi may iniinda siyang sakit. Nagpakita siya sa korte ng mga resibo ng gamot para sa hemorrhoids (almoranas) at records ng kanyang naging operasyon noong January 2025 upang patunayan ang kanyang kondisyon.

Dahil dito, humingi siya ng 320,000 yuan (mahigit 2.6 million pesos) bilang danyos perwisyos sa umano’y illegal termination.

Sa huli, pumanig ang korte sa employer. Ayon sa judge, kahit totoo pang may sakit si Li, ang tagal ng kanyang pananatili sa banyo ay sobra-sobra na para sa panga­ngailangang pisikal.

Binigyang-diin din na nagkulang si Li dahil hindi niya ipinaalam sa kompanya ang kanyang kondisyon at hindi siya nag-file ng sick leave, na tamang proseso ayon sa kontrata.

Matapos ang dalawang pagdinig, nagkasundo na lamang ang dalawang panig sa isang settlement. Pumayag ang kom­panya na bigyan si Li ng 30,000 yuan (240,000 pesos) bilang tulong pinansiyal at pagkilala sa haba ng kanyang serbisyo sa kompanya.


Related posts

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac

Sibakan blues sa PNP, tatamaan ang kulelat na RD’s!