Laban sa katiwalian, hindi laban sa tao

GO NORTHArtemio Dumlao – Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MATAGAL nang suliranin sa Pilipinas ang korapsiyon. At para maging tunay at epektibo ang laban dito, kailangang pantay-pantay ang pagtrato sa lahat—walang pinapaboran, walang sinasanto. Dahil ang katiwalian ay systemic, hindi sapat na batikusin lang ang iilang tao. 

Ang pokus dapat ay sa maling gawain at bulok na sistema—hindi sa pagkatao ng mga nasasangkot. Kapag ang kampanya laban sa korapsyon ay ginagamit lamang laban sa mga kalaban sa pulitika, nawawala ang tiwala ng taumbayan. Hindi makatarungan na kung ang sangkot ay kaalyado, nananatiling tahimik ang pamahalaan, gayundin sa mga nagbubulgar ng katiwalian.

At kung kalaban, agaran ang paninisi at panawagan ng hustisya. Ang pagkakamit ng hustisya ay hindi dapat nakabase sa ugnayang pampulitika kundi sa katotohanan at batas. Kapag pinipili lang kung sino ang kakasuhan o sisitahin, nagiging personalan ang laban sa halip na sistematikong pagtugon sa katiwalian. 

Nawawala ang atensiyon sa tunay na ugat ng problema: ang kahinaan ng mga institusyon, ang kakulangan sa transparency, at ang kulturang nagpapahintulot sa mali. Dapat ayusin ang mga institusyon—siguraduhin ang maayos na imbestigasyon, ang patas na pagpapatupad ng batas at ang pananagutan para sa lahat, hindi lang sa mga kalaban. 

Ang mga patakaran laban sa katiwalian ay dapat ipatupad sa lahat ng pagkakataon—hindi lang kapag ito’y handy o politically advantageous.

Sapagkat kapag ang mensaheng nakakarating sa taumbayan ay: “Okay lang ang korapsiyon basta’t nasa poder ka,” dito nagsisimula ang kultura ng kawalang-pananagutan.

Kung nais natin ng tunay na pagbabago, kailangang magsimula sa pagkakapantay-pantay sa harap ng batas. Sapagkat ang laban sa katiwalian ay laban para sa mas matino, mas makatarungan, at mas maayos na pamahalaan—para sa lahat ng Pilipino.

* * *

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: [email protected]


Related posts

Bakit rumaraket ang mga OFW?

Pekeng dentista sa U.S., tremendous glue ang gamit sa pagkakabit ng veneers!

Relationship President Digong ipinatawag ang 4 na anak