Katotohanan, kakalkalin sa affidavit ni Madriaga!

DIPUGANon Alquitran – Pilipino Star Ngayon

December 21, 2025 | 12:00am

UMIINIT na naman ang bangayan ng mga pulitiko sa plano na imbestigahan ng Kongreso ang akusasyon ni Ramil Lagunoy Madriaga na mga POGO operators at drug dealers ang nag-bankroll ng kampanya ni VP Sara Duterte ng nakaraang national elections. Aabot pa kaya sa 2028 elections ang palitan ng patutsadahan na ito? Puwede, di ba mga kosa? “These are serious allegations and are all contained in a sworn-affidavit. Napakadetalyado ng mga kuwento ni Madriaga. We need to investigate this thoroughly if there is any truth to any of his claims,” ani Manila Rep. Benny Abante. Hinikayat ni Abante ang Ombudsman at iba pang komite ng Kongreso na pangunahan ang imbestigasyon sa affidavit ni Madriaga.

Iginiit ni Abante na maliwanag pa sa sikat ng araw na bawal tumanggap ang isang pulitiko ng contributions mula sa POGO at drug dealers. Aniya may implikasyon din ito sa national security dahil ang POGO ay konektado sa China, na pilit inaagaw sa Pinas ang West Philippine Sea. Ayon kay Abante puwede ring manghimasok o magsagawa ng parallel probe ang Ombudsman sa isyu dahil sa mandato nitong habulin ang mga opisyales ng gobyerno na sangkot sa corruption. Binigyang-diin ni Abante na ang nararapat gawin sa imbestigasyon ay ang pagkalap ng dokumento, pagtagpi-tagpi ng timelines, at lugar upang matukoy ang katotohahan dahil ang kampo ni Sara ay nag-isyu na ng denial sa akusasyon.

Nang tanungin tungkol sa affidavit ni Madriaga, tahasang sinabi ni Sara na ito’y isang “fishing expedition” at may kinalaman sa 2028 elections. Anong sey n’yo mga kosa? Binigyan-diin naman ni Abante na kung hindi totoo ang akusasyon ni Madriaga, lalabas at lalabas din naman ang katotohanan sa imbestigasyon ng Kongreso o Ombudsman. Teka, teka, mahigpit ding pinagdedebatihan ng mga political at law experts kung saklaw ng Ombudsman si Sara, di ba mga kosa? Dito lang ‘ata sa Pinas naglilitawan ang mga kung anu-anong experts kapag may mainit na isyu! Pero kung tutuusin, mga Marites lang na gustong sumikat.

Ang ilan sa inilista ni Madriaga sa kanyang affidavit ay ang pagdeliber ng milyones sa Timog comedy bar, kung saan naroon si OVP Spokesperson Reynold Munsayac, pag-handsoff sa Office of the Ombudsman parking area at sa SM Megamall, gamit ang isang puting Toyota Vios at tangay ang P80 milyon cash. Nagkaroon din ng drop-offs sa isang bahay sa Jordan Plains, Novaliches, QC.

Idinugtong pa ni Madriaga na siya ang nag-organize ng ISIP Pilipinas network at konektado rin siya sa Vice Presidential Security and Protection Group. Masyadong seryoso ang alegasyon ni Madriaga na kailangang kilatising maigi dahil ang lahat ng pinangalanan niya sa kanyang affidavit ay itinatwa ito. Maliban sa affidavit ni Madriaga, si VP Sara ay sinampahan din ng kasong graft at plunder, na ayon sa kanya, ay pantakip lang sa corruption sa flood control. Abangan


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac