Kasakiman | Pilipino Star Ngayon

IKAW AT ANG BATAS!Atty. Jose C. Sison – Pilipino Star Ngayon

November 22, 2025 | 12:00am

NOONG Abril 1953, habang nag-aaral pa ng abogasya si Kiko, Nanligaw at nag-propose siya ng kasal kay Ana, na ang pinag-aralan ay hanggang first year high school lamang. Makalipas ang mahigit isang taon o noong Hulyo 1954, tinanggap ni Ana ang kanyang panliligaw. Noong Nobyembre 1954, nakuha ng magkasintahan ang kanilang sertipiko ng paninirahan at pagkatapos ay tumuloy sa opisina ng Local Civil Registrar upang mag-aplay para sa lisensiya ng kasal.

Sa silid ng registrar, pumirma sila ng dalawang papel pagkatapos ay tinanong sila ng registrar kung payag ba silang magpakasal sa isa’t isa at bilang sagot ay sinabi nilang oo. Mula sa Registrar’s Office ay pumunta sila sa isa pang silid at doon kinuha ng isang babaing doktor ang kanilang dugo. Paglabas ng silid ng doktor, sinabi ni Kiko kay Ana na kasal na sila at pinakiusapan itong sumama sa kanyang tiyuhin para sa tamang pagpapakilala.

Ngunit habang nasa daan, pumasok sila sa isang bahay na kalaunan ay nalaman ni Ana na isang motel. Matapos pumirma ng libro ay pumasok sila sa isang silid kung saan hiniling ni Kiko kay Ana na makipagtalik sa kanya dahil kasal na sila. Dahil sa pagpupumilit at pagtiyak ni Kiko na sila ay kasal na, binigay ni Ana ang sarili.

Pagkaraan ng tatlong araw, ipinakita ni Kiko kay Ana ang ulat ng kanilang pagsusuri sa dugo at itinuon ang kanyang pansin sa katotohanan na pagkatapos ng nakalimbag na salitang “occupation”, ang sulat-kamay na salitang “nobya” ay nagpapakita na ayon sa kanya, na sila ay kasal na.

Mula noon ay nagpatuloy sila sa pakikipagtalik sa parehong lugar minsan sa isang buwan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan at sa isa pang motel sa Maynila.

Noong Enero 1955, tinanong ni Ana si Kiko kung bakit sa kabila ng kanilang kasal ay hindi pa sila nagsasama. Dahilan, sinabi ni Kiko na hinihintay pa niya ang paglabas ng bar examinations. Tunay ngang pagkatapos niyang makapasa sa Bar, ibinigay pa ni Kiko kay Ana ang sertipiko na inisyu ng clerk ng Korte Suprema para ipakita ang pagmamahal nito sa kanya.

Tinanong siya ni Ana na tumira na sila at pumayag siyang kausapin ang kanyang mga magulang. Noong Marso 1955, nakausap ni Kiko ang ama ni Ana na nagsabi sa kanya na mas mabuting magpakasal sila sa Simbahang Katoliko dahil sila ay mga Katoliko.

Kaya naman matapos makuha sa registrar ang marriage license na dati nilang inaplayan at ang iba pang kasamang kinakailangang dokumento, ang mga ­arrangement para sa kasal ng Simbahan at ang petsa ng kasal ay itinakda noong Mayo 15, 1955.

Gayunman bago ang itinakdang petsa, nakatanggap si Ana ng liham mula kay Kiko na umatras sa kanilang kasunduan na magpakasal sa Simbahan. Sa pagsusuri sa mga dokumentong ipinakita ni Ana sa kanyang ama, nalaman ng huli na hindi sila civilly married. Ipinagtapat din ni Ana sa kanyang ama na siya ay buntis. Pagkatapos noong Hunyo 9, 1955, nagpakasal si Kiko sa isa pang babae. Isinilang naman ni Ana ang kanilang anak noong Agosto 4, 1995.

Dahil dito, nagsampa ng reklamo si Ana sa SC para kasuhan si Kiko ng imoralidad at disbarment. Inamin ni Kiko ang relasyon nila ni Ana at kinilala ang kanilang anak. Para sa kanyang depensa, itinanggi niya na niloko niya si Ana na maniwala na sila ay kasal nang sibil at iginiit na kusang sumuko si Tina sa kanyang nais. Dapat bang i-disbar si Kiko?

Oo. Hindi kapani-paniwala ang depensa ni Kiko. Ang totoo ay hindi niya sinasadyang tubusin ang karangalan ni Ana. Pinaniwala niya ito na sila ay kasal sibil upang masiyahan ang kanyang makalaman pagnanais. Siya mismo ay umamin na ang nag-udyok sa kanya na mag-alok at mag-propose ng kasal sa kanya ay upang matugunan ang gayong pagnanais.

Sa kabilang banda, hindi pa nalalayo si Ana sa educational attainment, nakarating na sa first year high school lamang, at wala ni katiting na ideya ng legal at valid na kasal. Kaya’t siya ay naging madaling biktima ng isang lalaking tulad ni Kiko, isang abogado na nakaaalam ng mga pasikot-sikot ng batas at ang paraan upang maalis ang sarili sa gulo na dulot niya.

Hindi pinanatili ni Kiko ang pinakamataas na antas ng moralidad at integridad na sa lahat ng oras ay inaasahan at dapat taglayin ng, mga miyembro ng Bar. Kaya siya ay tinanggal sa listahan ng mga abogado (Cabrera vs. Agustin, A.C. No 225, Setyembre 30, 1959, 106 Phil. 256).


Related posts

12-anyos na lalaking ‘hitman’ sa Sweden, nahuli matapos barilin ang maling tao!

Diborsiyo | Pilipino Star Ngayon

Libreng toll, siksik ang NAIA