SA talumpati sa isang rally nilagom ni Harry Roque ang mga pang-aabuso at kamalian ng Marcos Jr. admin, at binansagan niya itong “puwersa ng kadiliman”. Hinikayat niyang isigaw ng mga maka-Rody Duterte ang sagot sa kanyang tanong, “Ito’y puwersa ng kadiliman laban sa …?” at malugod silang sumigaw, “kasamaan!”
Huli na nang ituro ni Roque na ang sagot ay dapat, “kabutihan!”
Nag-viral ang nakatatawang video. Mula noon ay binansagan nang “Kadiliman versus Kasamaan” ang puwersang Marcos kontra Duterte.
Nakatulong ‘yan sa pagtatak sa “third force”. Ang puwersang ito ay kontra sa anim na taong pagpatay ni Duterte sa drug suspects, pagmumura sa Diyos, pagsipsip kay Xi Jinping, paglaganap ng illegal na Chinese POGOs, at katiwalian.
Kontra rin ang third force sa kasalukuyang pandarambong ng Marcos supermajority sa Kongreso, political ayuda, pagtaas ng presyo ng pagkain, paglipat ng pondong PhilHealth at Edukasyon sa pork barrels, at smuggling.
Galit ang mga maka-Marcos at maka-Duterte sa third force. Sa makitid na pananaw nila, dapat daw ang tunggalian sa pulitika ay Marcos versus Duterte. Hindi nila magagap ang mas malalim na pag-analisa.
Parehong political dynasties ang Marcos at Duterte. Parehong waldas sa pera ng bayan. Parehong pabaya sa mga batayang pangangailangan: pagkain, kalusugan, edukasyon, transportasyon, hanapbuhay, taas-kita, pabahay, katarungan.
Kontra ang third force sa “trapo” o tradisyunal na pulitiko. Kontra sa pandarambong. Kontra sa pandadaya sa halalan. Hangad nito ang ganap na reporma sa ekonomiya, pulitika, kultura. Nais wakasan ang paghahari ng pulitiko. Dapat ay totoong demokrasya.