November 2, 2025 | 12:00am
NARITO ang mga posibleng sakit na makukuha kapag pinigil ang pag-ihi:
1. Makararamdam ng sakit sa puson o pelvic pain o masakit na pantog sa tuwing pipigilan ang pag-ihi. Minsan parang puputok na ang pantog o ito ay lalabas na.
2. Nagkakaroon ng hindi mapigilang paglabas ng ihi o incontinence kung madalas na pinipigilan ang pag-ihi dahil posibleng nagkaroon ng pinsala sa pelvic floor muscles, kasi na-overstretched o nabanat ang pantog. Kung madalas mababanat at luluwag ang masel ng pantog, hindi na kayang pigilan ang pagtulo ng ihi kaya wala kang magagawa kung hindi magsuot na lamang ng diaper o lampin.
3. Mawawalan ng kakayahan o mahirap palabasin ang ihi kung madalas na pipigilan ang pag-ihi kahit na sa pakiramdam mo ay puno na ang iyong pantog. Ito ay maaaring mangyari kung ang mga kalamnan ng pantog ay napinsala. Sa mga malubhang kaso, maaaring kailanganin ng gumamit ng catheter para lamang ma-alisan ng laman ang iyong pantog.
4. Maaring nakukuha ang impeksiyon sa urinary tract (UTI) sa kababaihan sa pagpupunas ng ihi ay simula sa puwitan papunta sa harapan, may katabaan, may diabetes, o gumagamit ng diaphragm sa pagplano ng pamilya o pagpigil sa pag-ihi. Kapag matagal naiipon ang ihi sa pantog ay maaaring dumami o mag-multiply ang bacteria.
5. Ang pagkakaroon ng kidney stone o bato sa bato o bladder stone o bato sa pantog kung ang ihi ay nagtatagal sa bato o pantog, o naglalaman ng mga mineral, o kulang sa iniinom na tubig.
