Gen. Ardiente, tinik ng cigarette smuggling sa PRO12!

DIPUGANon Alquitran – Pilipino Star Ngayon

December 4, 2025 | 12:00am

Sa Mindanao, lalo na sa PRO12, panay subok ng mga cigarette smugglers na mapaglalangan ang kapulisan at maipasok o maikalat ang mga illegal na epektos nila. Kaya lang palaging bigo sila. Huhuhu!

Sa isang linggong checkpoint operations kasi na isinagawa ng mga tauhan ni PRO12 director Brig. Gen. Arnold Ardiente, umaabot sa P2 milyong halaga ng puslit o ismagel na sigarilyo ang nakumpiska. Ang tagumpay na ito, ayon kay Ardiente, ay dahil sa isinalang n’yang Alternative Policing Ap­proach-isang pamamaraang nakabatay sa maagap na pag­kilos, mas malawak na community intelligence, at higit sa lahat mas malakas na checkpoint interdiction.

Siyempre, nakaangla rin ang mga accomplishments na ito sa PNP Focused Agenda ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na Enhanced Managing Police Operations o EMPO. Eh di wow! Anong sey n’yo mga kosa? Walang kokontra ha? Hehehe! Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan!

Para kay Ardiente, ang epektibong pagpupulis ay hindi lamang nakikita kapag may problema na kundi kapag nahi­hinto na ang krimen bago pa ito mangyari. At sa isang linggo nilang operations, ipinakita ng mga operatiba ni Ardiente na kaya nilang gawin ‘yun. Dipugaaa!

Alam naman ng mga intel units na itong ismagel na siga­rilyo ay galing sa ibang bansa, tulad ng Malaysia at Indonesia, at dumadaan ito sa tinatawag na Southern backdoor. Ayosss ba Boss Sakur? Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Hindi lang naman sa checkpoint operations nadale itong ismagel na sigarilyo kundi maging sa mga pamilihan, tulad ng nangyari sa Dadiangas South, sa General Santos City. Sa isi­nagawang inspeksiyon at awareness campaign ng Police Sta­tion 9 at CIU-GSCPO, nakumpiska ang sari-saring puslit na sigarilyo mula sa isang indibidwal.

Umabot sa P102,154 ang kabuuang halaga ng ismagel na sigarilyo ang nakumpiska. Maliit man sa bilang na ito su­balit patunay lamang ito na nagtatrabaho ang mga bataan ni Ardiente. May punto! Sa Makilala, Cotabato naman, hina­rang sa isang IUACP checkpoint ang isang Nissan Navarra na pilit umiiwas sa inspeksiyon.

Sa loob ng sasakyan natuklasan ang napakaraming kahon ng smuggled cigarettes—New Far Red, Fort, Cannon Menthol, San Marino, New Berlin—na nagkakahalaga ng P429,046.80. Ang driver ay inaresto at ang mga kontrabando ay agad na ipinroseso ng Bureau of Customs. Paktay kang bata ka!

Nagkaroon naman ng habulan sa Lebak, Sultan Kudarat matapos tumakas ang isang Toyota Innova mula sa checkpoint at sumagi pa sa barricade. Sa mabilis na koordinasyon ng Lebak MPS, 2nd SKPMFC, South Upi MPS, PIU Maguindanao del Sur, at RMFB 14, nasukol ang sasakyan sa blocking checkpoint.

Natuklasan dito ang 277 reams ng Fort Cigarettes na nagkakahalaga ng P217,666.60. Sa Kalamansig, Sultan Kudarat pa din, isang Suzuki Stingray ang hinarang ng 2nd SKPMFC sa Brgy. Cadiz. Sa inspeksiyon, nakumpiskang nakatago sa mga kahon ng grocery ang 160 reams ng Berlin Cigarettes na may halagang P125,728.

At sa Kiamba, Sarangani Province, naharang ng 3rd Platoon, 2nd SPMFC ang isang Isuzu Truck na puno ng 1,500 reams ng King Philip Cigarettes. na umabot sa P1,178,700.00 ang kabuuang halaga. Hehehe! Sa mga cigarette smugglers d’yan, wag na kayo dumaan sa PRO12 ha! Abangan!


Related posts

12-anyos na lalaking ‘hitman’ sa Sweden, nahuli matapos barilin ang maling tao!

Diborsiyo | Pilipino Star Ngayon

Libreng toll, siksik ang NAIA