December 4, 2025 | 12:00am
Hinatulan ng limang taong pagkakakulong ang isang empleyado ng gobyerno sa Kuwait matapos mapatunayang tumatanggap ito ng suweldo sa loob ng isang dekada kahit hindi naman siya pumapasok o nagtatrabaho.
Bukod sa kulong, ipinag-utos din ng Court of Cassation na magbayad ang hindi pinangalanang akusado ng KD 312,000 (katumbas ng mahigit P59 million).
Kasama sa babayaran niya ang pagsasauli ng kabuuang suweldong nakuha niya na nagkakahalaga ng KD 104,000 at ang multa na doble ng halagang iyon.
Ayon sa korte, ang empleyado ay nakatalaga sa citizens’ service department. Sa loob ng 10 taon, tuluy-tuloy ang pagdeposito ng sahod sa kanyang bank account buwan-buwan kahit absent siya at walang ginagampanang tungkulin.
Bagama’t pinawalang-sala siya noon ng dalawang mababang hukuman, binaliktad ito ng kataas-taasang hukuman dahil sa matibay na ebidensiya ng salary fraud at pag-abuso sa pondo ng bayan.