EDITORYAL – Walang Merry Xmas sa mga nagkawat

Pilipino Star Ngayon

November 15, 2025 | 12:00am

MAGPAPASKO sa kulungan ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects. Iyan ang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes. Sabi pa ni Marcos, hindi raw magiging ­“merry” ang Christmas ng mga sangkot dahil marami sa mga napangalanan sa kontrobersiya ay buo na ang kaso. Bago raw magpasko ay makukulong na sila at sabi pa ng Presidente, mababawi na ang bilyong pisong ninakaw nila sa gobyerno.

Tinatayang P6.3 ­bilyon ang maaaring makolekta mula sa freeze orders ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na sinasabing may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects at nasa P3-P5 bilyon ang tax liability. Sabi pa ng Presidente, maraming mababawi at magpapatuloy umano sila para mabawi lahat ang mga kinawat.

Pero kung si Marcos ay positibo na bago magpasko ay may papasok sa kulungan, mas matindi naman ang paniwala ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na maipakukulong ngayong Nobyembre ang 40 katao na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan at Oriental Mindoro.

Unang sinabi ni Dizon noong Oktubre na magpapasko sa kulungan ang mga sangkot sa flood control projects pero ngayon ay mas maaga pa pala. Hindi na raw maghihintay ng Disyembre, sabi ni Dizon at ngayon pa lang Nobyembre ay may papasok na sa kulungan. Ayon sa DPWH Secretary, kabilang sa mga makukulong ay ang 26 katao na isinasangkot sa ghost flood control projects sa Bulacan at ang 15 naman ay sa ghost projects sa Oriental Mindoro. Linggo na lang daw ang bibilangin at may makukulong na.

Dapat lang naman na mayroon nang makulong sapagkat mahigit dalawang buwan na mula nang umpisahan ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tinatag mismo ni Marcos Jr. Layunin ng ICI na maimbestigahan ang flood control projects at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan.

Naiinip na ang mamamayan kaya kaliwa’t kanang protesta ang ilulunsad para puwersahin ang pamahalaan na bilisan ang pag-iimbestiga at ikulong na ang mga nagnakaw ng bilyong pondo para sa flood control projects. Nakakasa na ang malaking protest rally sa Nobyembre 30.

Sikapin ng pamahalaan na matupad ang sinabing bago magpasko ay may makukulong na. Huwag dayain ang mamamayan sapagkat ang paglilihis sa katotohanan ay magbubunga ng mga protesta at kaguluhan. Panghahawakan ng mamamayan ang sinabi ng Presidente na walang “merry” sa Christmas ng mga kawatan.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac