EDITORYAL – Pilipinas, ikapito sa mga pinakaapektado ng bagyo

Pilipino Star Ngayon

November 13, 2025 | 12:00am

Kawawa ang Pilipinas sapagkat laging tinatamaan at pinipinsala ng bagyo. Mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa taun-taon at karamihan ay mapaminsala at maraming tao ang namamatay. Bukod sa bagyo, baha at heat waves din ang kadalasang nana­nalasa sa Pilipinas na nagbubuwis nang maraming buhay at pumipinsala nang maraming ari-arian.

Noong nakaraang taon, ikapito ang Pilipinas sa mga grabeng hinagupit ng bagyo, batay sa Germanwatch Climate Risk Index. Ayon sa report, sa pagitan­ ng 1995 at 2024, nakaranas ang Pilipinas ng 371 na bagyo kung saan 27,500 katao ang namatay at ma­higit $35 bil­yon ang nawala o nasayang. Ang pag-aaralan ay pinresenta sa ginanap na 30th United Nations Climate Change Conference sa Belem, Brazil. Bukod sa Pilipinas, pina­ka­apektado rin ng bagyo ang Haiti at India.

Tinalakay sa conference kung paano mabibigyan­ ng tulong ang mga bansang laging apektado ng mga bagyo at ganundin ng mga hakbang para sa pagharap sa climate change.

Hindi makakatakas ang Pilipinas sa taun-taong pananalasa ng mga bagyo. Sa ayaw at sa hindi, darating ang mga bagyo. Walang pinipiling lugar ang mga bagyo at wawasakin ang daraanan.

Sa ganitong sitwasyon, dapat may mga nakahanda­ nang plano ang pamahalaan sa pagtama ng bagyo. Hindi kung kailan nandiyan na ang bagyo saka lamang mag­hahanda.

Nang tumama ang Bagyong Tino sa Cebu at iba pang probinsiya sa Visayas noong nakaraang linggo, hindi ito napaghandaan. Umabot sa 188 katao ang na­matay dahil sa flashfloods. Umakyat sa bubong ng kani­lang bahay ang mga tao para makaligtas.

May mga umakyat sa punong niyog.

Dahil sa rami ng mga namatay sa Cebu, nag-sorry si President Marcos. Nalulungkot daw siya sa nangyari. Aminado siyang hindi napaghandaan ang baha. Kara­mihan dinala ng baha.

Ayon kay Marcos, ang pinaghandaan ng LGU offi­cials ay ang storm surge at hindi ang papasok na tubig galing sa dagat. Flashflood ang nangyari at hindi ito napaghandaan.

Walang makapipigil sa mga bagyo na hagupitin ang Pilipinas. Subalit may magagawa ang pamahalaan na maiwasan ito para walang magbuwis ng buhay. Iba­yong plano at paghahanda ang nararapat.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac