EDITORYAL – Palpak na flood control projects at illegal logging

by Philippine Chronicle

Pilipino Star Ngayon

November 7, 2025 | 12:00am

MAHIGIT 100 na ang namamatay sa pananalasa ng Bagyong Tino sa Visayas Region. Pinakagrabeng naapektuhan ang Cebu, na ayon sa report ay 60 ang namatay at marami pa ang nawawala. Matindi rin ang pananalasa sa Negros Oriental at Negros Occidental na marami rin ang namatay. May mga namatay din sa Bohol, Capiz at Leyte.

Dahil sa malaking pagbaha sa Cebu at karatig lalawigan, hindi maihiwalay na ang palpak na flood control projects sa nasabing probinsiya ang dahilan. Ayon sa mga residente, ngayon lamang sila nakaranas nang malaking baha na umabot hanggang sa ikalawang palapag ng bahay.

Nakita sa mga video ang mga tao na nasa bubong ng mga bahay. Hintakot na hindi malaman ang gagawin. Mabilis umano ang pagtaas ng tubig at rumagasa sa mga kabahayan. Maraming sasakyan ang lumutang at nagpatung-patong. May mga residenteng hindi malaman ang gagawin nang mabutas ang pader ng subdibisyon at bumulwak ang tubig. Sa isang iglap, naanod ang kanilang kabuhayan.

Sa nangyaring pagbaha sa Cebu, galit na inutos ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa flood control projects sa Cebu at mga karatig na lalawigan. Nais umanong malaman ni Marcos kung nagamit nang tama ang P26 bilyon sa flood control projects. Ayon sa Presidente, tila hindi gumana ang mga ginawang proyekto sa Cebu. Mayroon umanong 343 flood control projects sa lahat ng distrito ng Cebu simula 2016 hanggang 2022.

Kung sa Cebu ay palpak na flood control ­projects ang nasisilip, ang illegal logging naman ang nakikita sa Negros Oriental at Negros Occidental. Nagulat ang mga residente sa pagdagsa ng mga troso na nagmula sa bundok. Kasama ng mga troso ang mga bato. Halos matakpan ng troso at bato ang isang barangay sa Negros Oriental.

Malaking katanungan ngayon kung ano ang ginagawang hakbang ng DENR sa namamaning illegal logging sa Negros provinces. Noon pa man, marami nang report na talamak ang illegal logging sa Negros provinces at grabeng sinisira ang mga kabundukan.

Kung iimbestigahan ang flood control projects sa Cebu, imbestigahan din ang illegal logging sa Negros Oriental at Occidental.


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00