Pilipino Star Ngayon
October 30, 2025 | 12:00am
Makaraan ang isang taon mula nang ihayag ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang pag-ban sa Philippine offshore and gaming operators (POGOs), tuluyan na itong nagwakas. Lahat nang offshore gaming o online ay hindi na papayagan.
Hindi malilimutan ang sinabi ni Marcos sa kanyang SONA: “Kailangan nang itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa.”
Inatasan niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bago matapos ang 2024 ay wala na lahat ang POGOs. Ang pag-aanunsiyo ni Marcos sa pag-ban sa POGO ay umani ng sigawan at standing ovation.
Kasunod niyon ay ang malawakang paghuli sa mga illegal na POGO operators na ginagamit din sa human trafficking. Nalantad ang pagkakasangkot ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Tumakas si Guo noong Setyembre 2024 pero nahuli sa Indonesia. Nakakulong na si Guo.
Mula nang mag-operate ang POGO noong 2017 sa panahon ng Duterte administration, nasakmal ng takot ang mamamayan sa rami ng krimen kabilang ang kidnapping, human trafficking, prostitution, investment scams at kung anu-ano pang illegal na aktibidad na ang front ay POGO.
Ang nakadidismaya, walang naitulong ang POGO sa pag-unlad ng ekonomiya. Niloko ng POGO ang pamahalaan sapagkat walang naiakyat na tulong sa pananalapi. Marami ang sa POGO ang hindi nagbabayad ng buwis.
Inagaw pa ng mga illegal POGOs ang serbisyo ng mga korap na pulis sapagkat ginagawang bodyguard ang mga ito. Maraming POGO officials ang nagha-hire ng sundalo at pulis para sila bantayan. Ang POGO rin ang dahilan kaya maraming naging korap sa Bureau of Immigration. Ginatasan ang mga Chinese sa pamamagitan ng “pastillas scam”.
Ngayong nagwakas na ang POGO makaraang lagdaan ang batas na nagbabawal dito, makakabangon na ang bansa sa bangungot na nilikha nito. Malaking aral sa pamahalaan ang masamang nilikha ng POGO mula nang mag-operate sa bansa. Hindi na mauulit ang masamang dinulot sa lipunan.
Kung nagawa ni Marcos na ipatigil ang POGO, magagawa rin naman ito sa iba pang sugal on line. Ipatigil ang online sabong. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang sugal na ito. Maraming nahuhumaling sa sugal na ito nagiging dahilan nang pagkawasak ng buhay. Maraming pamilya ang nasisira. Dahil sa online sabong may nagnanakaw para tustusan ang bisyo.
Nasimulan na sa pagwasak sa POGO, isunod na ang iba pang salot na sugal.