Pilipino Star Ngayon
August 23, 2025 | 12:00am
BASURA ang dahilan kaya bumabaha. Ginawang basurahan ang estero, ilog, drainage at kanal. Dahil sa dami ng basura sa estero, hindi na makaagos nang maayos ang tubig. Dahilan para magbaha at matagal bago humupa. Hanggang sa kasalukuyan, maraming estero ang namumutiktik sa basura. Pawang plastic na basura na hindi natutunaw. Ang mga plastic na basura ay nananatili sa waterways at pinalulubha ang pagbaha.
Kahapon, hindi naman gaanong malakas ang ulan subalit bumaha sa Maynila. Hanggang tuhod ang lalim ng baha sa Taft Avenue at iba pang kalsada. Tanging sa Maynila naranasan ang mga pagbaha. Ibig sabihin might mga nakabara sa daluyan ng tubig. Posibleng mga basurang plastic na matagal nakasiksik sa drainage. Matagal din bago humupa ang baha.
Malaki ang problema sa basura. Marami nang ordinansa na pinatupad dahil sa pagtatapon ng basura. Parurusahan umano ang mga lalabag. Ang mga mahuhuling magtatapon ay pagmumultahin o sasailalim sa ilang oras na group service.
Subalit sa kabila ng mga ordinansa, patuloy pa rin ang paglabag sa pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig.
Ngayon ay mayroon na namang ipatutupad na batas kaugnay sa pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig. Pagmumultahin ng P5,000 ang sinumang mahuling nagtatapon ng basura sa mga ilog, estero, drainage at kanal. Ito ang isinusulong ng presidente ng Metro Manila Council (MMC) na si San Juan Mayor Francis Zamora. Ayon kay Zamora, sa pamamagitan ng mataas na multa mas mararamdaman ng mga susuway ang bigat ng parusa. Hindi aniya makakalusot ang mga magtatapon ng basura sa mga estero, kanal at ibang daluyan ng tubig.
Ayon pa kay Zamora, nasa mindset na ng mga walang disiplinang mamamayan na ang ilog ang kanilang basurahan.
Pinag-uusapan na umano ng Metro mayors ang planong pagmumultahin ang mga magtatapon ng basura at ipatutupad ito sa NCR.
Subukan ang plano para malaman kung masisindak ang mga walang disiplinang mamamayan na ginagawang basurahan ang mga daluyan ng tubig. Wala na silang pakialam kung magbaha man. Ang kanilang naiisip ay pansarili lamang. Kung magtatagumpay ang P5,000 multa, maraming maiipon para sa kaban ng bayan.