EDITORYAL – Holdapan sa Metro Manila, nakaaalarma


AYON sa National Capital Region Police Office (NCRPO), bumaba ng 23 percent ang krimen sa Metro Manila. Ayon sa NCRPO, mula Nobyembre 23, 2024 hanggang Mayo 2025, nakapagtala ng 2,580 na kaso sa Metro Manila. Ang bilang ay mas mababa ng 23 percent kumpara sa nangyaring krimen noong 2023 sa kaparehong buwan.

Sino ba ang hindi matutuwa na bumababa ang krimen lalo na sa Metro Manila. Lahat ay nagnanais na maging matiwasay at mapayapa ang buhay lalo kung mamamasyal sa gabi. Pangarap nang marami na walang mangyayaring masama habang sila ay namamasyal, kumakain at iba pa sa mga lugar sa Metro Manila.

Pero taliwas ang sinasabi ng NCRPO sa tunay na nangyayari sa Metro Manila.

Laganap ang holdapan. Maski ang mga restaurant ay pinapasok ng mga holdaper. Katulad ng restaurant sa Pasay Road, Makati na hinoldap kamakailan ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo. Kinuha ng mga holdaper ang cash at cell phone ng mga customer kabilang ang isang Japanese. Nakonsensiya yata ang mga holdaper at ibinalik sa Japanese ang cell phone.

Noong Mayo 13, dalawang Japanese ang hinoldap ng riding-in-tandem sa Bonifacio Global City sa Taguig City. Ayon sa Japanese Embassy, dalawang Japanese engineers na nagtatrabaho sa Clark Special Economic Zone sa Pampanga ang hinoldap dakong 3:00 p.m. sa harap ng Adibelleti Residence sa 9th Ave­nue, BCG, Taguig City. Naglalakad ang mga Japanese nang lapitan ng riding-in-tandem at tinutukan ng baril. Kinuha ang kanilang bag na may lamang P6,000, Y50,000, credit cards, cell phones, Japanese driver’s licenses, company ID cards, at condominium resident cards. Hindi pa nakuntento ang mga holdaper, pinukpok pa ng baril sa mukha ang mga biktima.

Noong Mayo 17, ini-report naman ng Korean Embassy, na dalawang Korean nationals ang hinoldap sa 9th Avenue, Bonifacio Global City sa harap ng One Park Drive dakong 11:40 ng gabi. Naglalakad umano ang dalawang Koreans nang harangin ng riding-in-tandem, tinutukan ng baril at kinuha ang kanilang bag na may lamang cash at cell phones.

Nakababahala ang mga sunud-sunod na holdapan na taliwas sa sinasabi ng NCRPO na bumaba ang krimen sa Metro Manila. Ang mga ganitong pangyayari na pawang mga dayuhan ang nabibiktima ay malaking kasiraan sa bansa. Sino pa ang mangangahas magtungo sa bansa na laganap ang nakawan? Hindi sila ligtas lalo sa gabi na habang namamasyal ay tututukan ng baril at tatangayin ang pera at alahas. Walang gugusto sa bansang talamak ang panghoholdap.

Kamakailan, sinabi ni President Marcos Jr. na dapat magpatrulya sa kalye ang mga pulis at magresponde sa krimen sa loob ng limang minuto. Magawa kaya ito?





Source link

Related posts

EDITORYAL – Linisin ni Torre dungis ng PNP

Avenue dwellers napakarami | Pilipino Star Ngayon

Tatlong isyung hahadlang sa paglilitis ni VP Sara