[EDITORIAL] Marcos’ finger in the dam

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Kailangang i-restore ang confidence ng taumbayan: pairalin ang social justice at rule of law

Nitong nakaraang linggo, nagkaroon ng shake-up ang gabinete ni Presidente Ferdinand Marcos Jr.

May mga alingasngas sa tabi-tabi: sabi ni dating executive secretary Lucas Bersamin, hindi raw siya nag-resign pero he “serves at the pleasure of the President.” Kay Bersamin na rin nanggaling — hindi ito pagbibitiw kundi pagsisisante. 

Side thought bubble: Ganito na ba kahina si Pangulong Marcos na nakakapalag pa ang isang underling na binigyan na nga ng graceful exit?

Pero may bubog ang reaksiyon ng business sector. “New hope” daw ito. Pero basahin nating mabuti — dahil ang rebelasyon ay wala sa sentimyento ng bagong pag-asa, kundi sa sumunod na mga salita — ito raw ay “critical step toward restoring investor confidence.” Ibig sabihin, tinatamaan na ang investor confidence sa bansa sa sigalot sa pulitika.

Malinaw naman sa lahat ng kalaban at kapanalig sa pulitika ni Marcos: ang flood control mess — na si Marcos ironically ang nagsindi ng mitsa — ay magbu-boomerang sa kanya.

Ang ipinagtataka lang ng marami, bakit inabot pa ng Nobyembre ang firing ni Bersamin at budget secretary Amenah Pangandaman? Sa umpisa pa lang, malinaw na, na dawit ang Department of Budget and Management sa punto de bista pa lang ng command responsibility. Basahin dito ang papel na dapat ginampanan ni Pangandaman sa vetting ng budget: [In This Economy] Unpacking the major shake-up in Marcos’ economic team. At marami na ring kuwento-kuwento umano tungkol kay Bersamin.

Napapaisip tuloy ang mga tao: bakit naghintay si Pangulong Marcos hanggang sa huling sandali na magrevamp ng gabinete?

May isang insidente na muling nagbibigay ng insight sa laid-back leadership style ng Presidente: biniro niya ang mga miyembro ng gabinete na pasan daw ang mabigat na trabaho. Pero ang clincher ay ito: Hindi raw siya ang nakadarama ng bigat na ito.

Nasa gita ng maraming conflict vortices si Pangulong Marcos at lahat ng ito’y maaaring lumamon sa liderato niya. Andiyan ang flood control mess na nag-sideline sa mga kaalyado niyang si Martin Romualdez at Chiz Escudero. Nariyan ang kapatid na nag-akusang durugista ang First Family. Nariyan ang Iglesia ni Cristo na nagpamalas ng political muscle sa dalawang araw na rally. At nariyan din ang kampong Sara Duterte na tila pasundot-sundot at handang mag-take over anytime.

Pero running in place ba ang sagot sa problema? 

Tama ang mga negosyante — kailangang i-restore ang investor confidence. Pero higit diyan, kailangang i-restore ang confidence ng taumbayan sa pamamagitan ng panunumbalik ng social justice at rule of law. Kailangang madala ang mga promotor ng korupsiyon sa flood control projects sa korte at mabilis na mahatulan. Kailangang maglinis ng hanay ang presidente — at hindi ito makukuha sa pagwawalis ng cobwebs sa Malacañang. At kailangan ng systems restructuring na magtitiyak na above-board at transparent ang pananalapi sa lahat ng sulok ng gobyerno.

Tama na ang running in place, Mr. President. Kung totoong hindi kayo sangkot sa flood control anomalies — take decisive action. Fire, reform, restructure. Sa justice front: prosecute and jail.

Dahil malapit nang rumagasa ang delubyo ng flood control mess. Walang mangyayari sa finger in the dam. – Rappler.com

Related posts

Rollback of fuel prices to happen before Christmas

NBA: Pistons beat Hornets behind Cade Cunningham's triple-double

Blackpink’s Lisa to make movie debut in action film ‘Tygo’ with Don Lee