Bitin ang Pasko ng Pilipino

BARDAGULANRonald M. LLamas – Pilipino Star Ngayon

December 24, 2025 | 12:00am

SA bisperas ng Pasko, sariwain natin ang mahahalagang panalo ng mamamayan ngayong taon laban sa katiwalian, paglabag sa karapatang pantao, at impunidad.

Unahin na natin ang desisyon ng Korte Suprema nitong Linggo sa extrajudicial killing ni Kian delos Santos. Malinaw ang mensahe: may mga EJK na naganap sa ilalim ng madugo at abusadong drug war ni Rodrigo Duterte. Bagama’t mga mababang ranggong pulis pa lamang ang napanagot, may pag-asa na maaabot ng hustisya ang mga mastermind at pangunahing implementor ng drug war–related EJKs sa pamamagitan ng International Criminal Court (ICC).

Kaya isang malaking tagumpay ng mamamayan ang pag-aresto ng ICC kay dating President Duterte. Hindi rin pinagbigyan ng ICC ang kanyang hiling para sa interim release, at malinaw nitong sinabi na siya ay nasa sapat na kalusugan upang humarap sa paglilitis. Hindi umubra ang mga drama ni Duterte, maging ang trolling at pananakot ng kanyang mga panatiko. Sa kulungan magpapasko ang berdugo.

Sa usapin naman ng korapsiyon, 20 katao na sangkot sa flood control corruption scandal, kabilang si Sarah Discaya, ang naaresto at ikinulong na. Dagdag pa rito ang kauna-unahang bukas at live na telecast ng bicameral conference sa 2026 national budget, isang makasaysayang pangyayari kung saan nasaksihan ng publiko kung paano pinagpa­pas­yahan ang pera ng bayan.

Ilan lamang ito sa mga pamasko ng mamamayan nga­yong taon. Ngunit hindi ito mga regalong kusang-loob na ipinagkaloob. Wala tayong ninong na nag-abot ng aginaldo. Ang mga panalong ito ay bunga ng sama-samang pagkilos, pagtindig, at patuloy na paglaban ng mamamayan.

Gayunman, bitin pa rin ang Pasko. Ang malalaking isda sa flood control corruption scandal, partikular ang mga senador at kongresista, ay nananatiling malaya. Samantala, marami pang mga reporma ang kailangang itanim sa ating bulok na budget system at ang isang peoples budget ay nananatili pa ring isang pangarap.

Si impeached Vice President Sara Duterte ay hindi pa rin napapanagot sa hindi maipaliwanag na paggastos ng milyun-milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw. At si Senador Bato Dela Rosa, hanggang ngayon, ay tila nakikipaglaro pa rin ng taguan sa ating pamahalaan.

May mahahalaga tayong panalo, ngunit hindi pa tapos ang laban. Hangga’t ang mga mandarambong, mamamatay-tao, at iba pang tiwali ay hindi napapanagot, hindi pa kumpleto ang hustisya, at mananatiling bitin ang Pasko ng taumbayan.


Related posts

Diborsiyo | Pilipino Star Ngayon

Libreng toll, siksik ang NAIA

EDITORYAL — Kian, matatahimik na, sana ang iba ring EJK victims