Biktima ng paniniwala | Pilipino Star Ngayon

by Philippine Chronicle

ANG mga tao ay maaaring managot sa krimeng nagawa kung sila ay sangkot bilang pangunahing salarin, kasabwat, o pagtulong. Ang mga pangunahing salarin ay ang mga tuwirang lumahok sa paggawa ng krimen, nag-udyok o nagpumilit sa iba na gawin ito, o tumulong sa pamama­gitan ng ibang kilos na naging dahilan upang maisakatuparan ang krimen. Ngunit kung walang patunay kung pa­ano nakilahok ang isang tao sa paggawa ng krimen, maaari pa rin ba siyang ituring na pangunahing salarin? Ito ang isa sa mga isyung tinalakay sa kasong ito.

Ang kasong ito ay tungkol kay Manuel at sa kanyang kaibigang si Robert na parehong naninirahan sa isang liblib na baryo sa hilaga. Si Manuel ay kasal sa kanyang matagal nang kasintahan na si Anna, na labis niyang minamahal. Isa sa mga residente ng kanilang baryo ay si Aling Telma, isang matandang babae na kilala sa kanilang lugar bilang isang mangkukulam. Isang gabi, biglang nagkasakit nang malubha si Anna habang tahol nang tahol ang mga aso at umiingit ang mga baboy sa kanilang bakuran. Pinaghinalaan ni Manuel na si Aling Telma ang dahilan ng karamdaman ng kanyang asawa, kaya’t pinakiusapan niya si Robert na samahan siyang puntahan ang bahay ng matanda.

Pagdating nila roon, nadatnan nila si Aling Telma na nagpuputol ng kahoy. Nilapitan siya ni Manuel at sinabing, “Ikaw ang matandang babae na nangkulam sa aking asawa!­” saka niya ito pinaghahampas ng kahoy, habang si Robert ay humawak sa mga braso ng matanda. Narinig ni Mang Gino, asawa ni Aling Telma, ang ingay at bumaba upang tulungan ito ngunit pinigilan siya ni Manuel at tinakot na sasaktan kung makikialam. Wala siyang nagawa kundi pa­noorin ang pambubugbog habang hinihila si Aling Telma patu­ngo sa bahay ni Konsehal Allan, kamag-anak ng matanda.

Pagdating doon, inutusan ng konsehal sina Manuel na kunin ang mga gamit umano sa pangkukulam. Pagbalik nila, may dala silang mga bote ng alak at langis, at pinapirma ni Konsehal Allan si Aling Telma sa isang pahayag gamit ang kanyang thumbmark, na nagsasabing siya ay tunay na nangkulam kay Anna. Samantala, humingi ng tulong si Mang Gino sa kanilang kapitbahay at nagtungo sa bahay ni Konsehal Allan. Pagdating niya roon, nadatnan niyang nakahandusay na sa bakuran ang kanyang asawang si Aling Telma, halos wala nang buhay. Agad niya itong nilapitan at niyakap. Mahina at hirap na hirap, sinabi ni Aling Telma sa kanya na siya ay binugbog at nabasag ang ilan sa kanyang mga ngipin. Makalipas ang ilang sandali, pinilit din si Mang Gino na pirmahan ang parehong pahayag na nilagyan ng thumbmark ni Aling Telma.

Kinagabihan, namatay si Aling Telma sa bahay ni Konsehal Allan. Batay sa pagsusuring isinagawa matapos ang kanyang kamatayan, nagtamo siya ng maraming pinsala sa katawan na naging tuwirang sanhi ng kanyang pagkamatay. Dahil dito, kinasuhan sina Manuel at Robert ng murder.

Tatlong saksi, kabilang si Mang Gino, ang tumestigo laban sa kanila at nagpapatunay sa mga pangyayari. Itinanggi ni Robert ang paratang at iginiit na siya’y nasa bahay ng kanyang mga magulang sa ibang bayan noong oras ng insidente. Si Manuel naman ay nagbigay ng ibang salaysay, sinasabing biglang nagkasakit nang malubha ang kanyang asawa habang tahol nang tahol ang mga aso at maingay ang mga baboy.

Paglabas niya, nakita raw niya si Aling Telma—na kilalang mangkukulam—na tumatakbong palayo, kaya’t hinabol niya ito hanggang sa matumba at umano’y umamin na siya ang nangkulam kay Anna. Ikinuwento rin ni Manuel na dinala niya si Aling Telma sa bahay ni Konsehal Allan, na kamag-anak ng matanda.

Dahil sa hiya sa pag-amin ni Aling Telma, sinipa umano siya ng konsehal nang ilang beses at inutusan si Manuel na sunduin si Mang Gino. Pagdating nito at nang marinig ang pag-amin ng kanyang asawa, sinipa rin daw niya ito. Pagkatapos, gumawa si Konsehal Allan ng sinumpaang salaysay na nagsasaad na pananagutan ni Mang Gino ang anumang mangyari kung sakaling mamatay ang kanyang asawa.

Gayunman, hindi pinaniniwalaan ng Court of First Instance (CFI) ang mga paliwanag nina Manuel at Robert. Hinatulan si Manuel ng murder bilang pangunahing salarin at pinatawan ng reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakabilanggo, samantalang si Robert ay napatunayang kasabwat at hinatulan ng anim hanggang labindalawang taon na pagkabilanggo. Pareho rin silang inatasang magbayad ng danyos kay Mang Gino.

Subalit, binago ng Korte Suprema ang desisyon at parehong hinatulan sina Manuel at Robert ng murder bilang mga pangunahing salarin. Itinanggi ang alibi ni Robert dahil madali lamang itong likhain, at ang kanyang mga saksi ay pawang kamag-anak. Samantala, ang tatlong saksi ng prosekusyon ay malinaw na nagturo sa kanya bilang humila kay Aling Telma habang pinaghahampas ito ni Manuel. Pinabulaanan din ng Korte Suprema ang kwento ni Manuel na si Mang Gino ang nanakit sa kanyang asawa, sapagkat pinatunayan mismo ni Mang Gino na sinikap niyang iligtas ito. Pinagtibay ng pagsusuring post-mortem ang mga salaysay ng saksi, na nagpapatunay na si Aling Telma ay nagtamo ng maraming pinsalang naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ipinahayag ng Korte Suprema na parehong may sala sina Manuel at Robert sa kasong murder bilang mga pangunahing salarin. Bagama’t si Manuel lamang ang aktuwal na nanakit kay Aling Telma, napatunayan sa mga ebidensya na sinamahan siya ni Robert patungo sa bahay ng biktima at hinawakan pa nito ang magkabilang kamay ni Aling Telma habang pinaghahampas siya ni Manuel.

Ang mga pangyayaring ito ay malinaw na nagpapakita ng pagkakaisa ng layunin at sabwatan sa pagitan nina Manuel at Robert sa pagsasagawa ng krimen. Dahil dito, kapwa silang itinuring na mga pangunahing salarin at parehong may pananagutan sa pagpatay kay Aling Telma.

Gayunman, kinilala ng Korte Suprema na may mga nakapag papagaan na sirkunstansya sa kaso nina Manuell at Robert. Kabilang dito ang kakulangan ng intensyon na makagawa ng mabigat na krimen, dahil layon lamang nilang isumbong si Aling Telma sa konsehal bilang mangkukulam.

Isinasaalang-alang din ang pagkakalito o matinding emosyon, sapagkat ginawa nila ang krimen sa paniniwalang isinumpa ni Aling Telma si Anna. Dahil dito, sila ay hinatulan na makulong mula 10 taon at 1 araw hanggang 17 taon, 4 na buwan, at 1 araw (People vs. Zapata and Tubadeza (G.R. L-11074, Pebrero 27, 1960).


You may also like

Leave a Comment

Are you sure want to unlock this post?
Unlock left : 0
Are you sure want to cancel subscription?
-
00:00
00:00
Update Required Flash plugin
-
00:00
00:00