Bakit nalalagas ang buhok | Pilipino Star Ngayon

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

November 14, 2025 | 12:00am

Tinatayang 100,000 hanggang 150,000 ang buhok sa anit. Ang 10-20 percent nito ay nasa resting phase at puwe­deng malagas, kaya nga 50-100 buhok ang nalalagas araw-araw. Normal lang ito.

Isang dahilan kung bakit nalalagas ang buhok ay ang pag­babago ng hormones. Ang receding hairline ay maaaring unti-unti o mabilis. Mayroon ding male pattern ng pagnipis ng buhok dahil sa lahi o namamana kaya tingnan ang mga kaanak.

Mayroon ding female pattern ng pagnipis ng buhok kung saan numinipis lang ang buhok pero hindi umuurong. Dahil sa pabagu-bago ng hormones kaya nalalagas ang buhok tatlong buwan pagkapanganak.

Ang iba pang sanhi ay menopause, pagtigil ng birth control pills sa loob ng isa hanggang tatlong buwan, pag-edad, mga stress tulad ng namatayan, naaksidente, problema, pagod at sakit tulad ng sa thyroid.

Ang iba pang sanhi ay kakulangan sa nutrisyon, kulang sa protina, laging gutom o nagdidiyeta.

Para malaman kung hindi normal ang hairfall ay kumuha ng magnifying glass at tingnan ang mga buhok. Pag nabali o hair shaft breakage ang dahilan, mayroon puwedeng gawin tulad ng pagiging gentle o maingat sa buhok, bawasan ang sobrang pag-brush, pag-shampoo o pagtali.

Huwag ipamasahe ang anit dahil baka mabali ang buhok. Wala munang kemikal tulad ng hair dyes, bleaching, pangkulot o pang-unat. Puwedeng gumamit ng mga protein con­ditioners at cream rinse. Pangalagaan ang hair roots sa pama­magitan ng pag-iwas sa braid at mahigpit na ponytail. Iwas din sa maiinit na rollers.

Kapag patse-patse ang pagkakalbo, dahil ‘yan sa sakit sa balat o fungal infection tulad ng ringworm. Ang ringworm ay fungal infection, korteng bilog ang pagkalagas ng buhok, ma­pula ang balat, nagbabalat, at makati. Madalas ito sa mga bata, galing sa alagang aso, pusa o kalaro. Pumunta sa der­matologist para bigyan ng anti-fungal cream tulad ng ketoconazole.

Mayroon ding Trichotillomania (hair pulling disorder) kung saan naging ugali na laging hinihila ang buhok.


Related posts

Lalaki na nasisante dahil laging matagal sa banyo, idinemanda ang kanyang employer!

Sakit sa breast ng babae at lalaki

Smuggled cigarettes nasamsam sa Tarlac