November 16, 2025 | 12:00am
MAHIGIT isang siglo nang bahagi ng kasaysayan ng Baguio ang public market.
Simbolo ang public market ng kultura, kabuhayan, at pagkakakilanlan ng Baguio.
Ngunit nanganganib itong mapalitan ng isang modernong gusaling komersiyal — isang “mall” na unti-unting bubura sa diwa ng Baguio.
Pag-unlad bang maturingan ito o pagtalikod sa pinagmulan?
Papalaki nang papalaki ang bilang ng mga tumututol sa “mallification” ng public market.
Hindi dahil laban sila sa kaunlaran, kundi dahil alam nilang maraming mawawala, gaya ng kabuhayan ng maliliit na negosyante na maaaring mawalan ng puwesto o malipat ng lugar.
Kapag pumasok ang malalaking developer-negosyante, asahan na walang habas na pagtaas ng renta. Paano na ang maliliit? At paano ang mga mamimiling umaasa sa abot-kayang presyo ng palengke?
Hindi rin malinaw kung gaano kalaki ang kontrol ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng kasunduang public-private partnership.
Totoo, kailangan ng modernisasyon. Pero hindi sa paraang buburahin ang kasaysayan, kultura, lalo na ang kapakanan ng mas nakararami.
Kayang ayusin ang palengke nang hindi ito gagawing mall. Kayang pagsamahin ang progreso at paggalang sa pinagmulan at tingalain ano pinakamabuti para sa taumbayan.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]