Babae sa France na inoperahan sa lalamunan, biglang nagkaroon ng British accent sa kanyang pagsasalita!


ISANG hindi pangkaraniwang medical case ang gumulat sa mga doktor at mamamayan ng Western France matapos magkaroon ng banyagang accent ang isang babaeng residente roon kahit hindi siya maru­nong magsalita ng Ingles!

Si Laetitia, 47, cashier sa Montval-sur-Loir, ay big­lang nagsalita na parang isang Briton mula nang siya ay operahan noong 2010 upang tanggalin ang kanyang tonsils.

Bagama’t wala siyang malalim na kaalaman sa wikang Ingles at ilang simpleng salita lamang ang kanyang alam, tila natural sa kanyang dila ang British accent, isang bagay na siya mismo ay hindi maipaliwanag.

“Nang magising ako matapos ang operasyon­, ganito na ang boses ko,” ani Laetitia sa pana­yam ng pahayagang Le Petit Courrier. Ayon sa kanya, hindi sinabi ng kanyang doktor na may naging komplikasyon sa operasyon. Tatlong linggo matapos ang surgery, sinabihan siya na normal ang lahat.

Ngunit makalipas ang tatlong buwan, muling bumalik si Laetitia sa ospital, dala ang parehong reklamo. “Gusto ko na ulit maibalik ang dating boses ko,” aniya.

Ngunit nagulat siya nang tanungin ng doktor: “Hindi ka ba Anglo-Saxon?” Pati ang doktor ay hindi makapaniwala na hindi talaga siya mula sa isang bansang nagsasalita ng Ingles.

Matapos ang serye ng pagsusuri, na-diagnose si Laetitia na may Foreign Accent Syndrome, isang rare condition na maaaring idulot ng aksidente, stroke, o operasyon.

Ayon sa mga tala ng mga medical experts, maaaring­ may bahagi ng kanyang utak na pansamantalang hindi nadaluyan ng sapat na dugo habang siya ay inaoperahan­, dahilan upang magbago ang paraan ng kanyang pagsasalita.

Sa kabila ng panibagong katauhan sa kanyang pagsa­salita, natutunan na rin ni Laetitia na tanggapin ito.

Bagama’t may ilan pa ring nag-aakalang siya’y nagbibiro o nagpapanggap, lalo na ang mga kamag-anak na matagal na niyang hindi nakakausap, naging bahagi na ng kanyang pagkatao ang pagkakaroon ng British accent.

“Hanggang ngayon, gusto ko pa rin sanang ibalik ang aking dating boses. Pero mukhang ito na talaga ako ngayon,” wika niya.





Source link

Related posts

EDITORYAL – Linisin ni Torre dungis ng PNP

Avenue dwellers napakarami | Pilipino Star Ngayon

Tatlong isyung hahadlang sa paglilitis ni VP Sara