October 31, 2025 | 12:00am
ISANG 50-anyos na babae sa South Korea ang nawalan ng mahigit 500 million won (20 million pesos) matapos maniwalang nasa isang romantikong relasyon siya sa bida ng “Squid Game” na si Lee Jung-Jae.
Ayon sa ulat, ang biktima, na tinukoy lamang sa pangalang “A,” ay nakatanggap ng mensahe sa social media mula sa isang tao na nagpakilalang si Lee Jung-Jae.
Para maging kapani-paniwala, gumamit ang scammer ng mga litratong gawa ng Artificial Intelligence (AI) ng sikat na aktor. Nagsimula umano ang kanilang pag-uusap sa social media bago lumipat sa messaging app na KakaoTalk.
Dito na sinimulang tawagin ng scammer ang biktima na “honey” at “sweetie,” na nagpakumbinsi sa babae na mayroon silang espesyal na relasyon.
Hindi nagtagal, nagsimula nang humingi ng pera ang pekeng Lee Jung-Jae. Iba’t iba ang kanyang mga dahilan, kabilang na ang pagiging “stranded” umano sa isang airport at walang perang pambalik sa Korea. Nagpadala pa ang scammer ng mga pekeng ID at driver’s license na gawa rin sa AI bilang “insurance.”
“Sinabi niya na babayaran niya ako pagbalik niya sa Korea. Naniwala ako sa kanya,” pahayag ni A sa pulisya.
Minsan pa, nagpadala ang biktima ng $7,500 para sa isang “VIP pass” upang sa wakas ay personal na silang magkita. Gayunpaman, palaging may dahilan ang scammer at hindi natutuloy ang kanilang pagkikita.
Nang maubos na ang pera at patuloy pa rin ang panghihingi ng scammer, napilitan nang mag-report si A. sa mga awtoridad.
Kinumpirma ng South Gyeongsang Provincial Police Agency na si A. ay biktima ng isang “romance scam”. Hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy kung sino ang nasa likod ng panloloko.
Dahil sa ingay na nilikha ng kaso, naglabas na ng babala ang ahensya ni Lee Jung-Jae sa mga tagahanga na huwag magpapadala ng pera sa sinumang nagpapanggap na aktor.
Ayon sa mga awtoridad, malabong mabawi pa ng biktima ang nawalang pera.