Sa mga nanonood po ngayon, sensitibo po ang video na mapapanood ninyo.
Sa viral video, isang itim na SUV ang biglang umabante patungo sa isang entrance ng terminal. Nabangga nito ang mga taong naghihintay sa labas.
Dalawa ang nasawi kabilang ang limang taong gulang na anak ng isang OFW. Tatlo naman ang sugatan na dinala sa ospital.
Ayon sa Land Transportation Office, lumalabas na nag-panic ang driver ng SUV. Imbes na preno, silinyador umano ang natapakan ng driver. Paalis raw siya noon nang may dumaang sasakyan sa harapan.
Pero kung babalikan ang CCTV, naku, walang sasakyan na dumaan sa harap ng SUV bago ang insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver na sasailalim umano sa mandatory drug testing.
Sinuspinde na rin ng LTO ang kaniyang lisensya.
Pag-usapan natin ang mga tanong ninyo sa insidenteng ito. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Q: Atty., base sa paunang imbestigasyon, hindi intensyon ng driver na mang-araro du’n sa mga tao. Kapag ganu’n po ba, anong mangyayari sa kaso?
Well, tulad ng palagi nating sinasabi, kahit walang intensyon na makapatay o makasakit ng kapwa, kung ang isang pangyayari ay masasabing resulta ng pagpapabaya, ang pagpapabaya na ‘yan ay masasabing nagiging criminal in nature at nagiging kasong criminal pa rin.
Ang madalas nating naririnig na reckless imprudence resulting in physical injuries at homicide ang magiging kaso.
Ang hindi pagiging mapagmatiyag habang nagmamaneho ay maaaring makasuhan ng reckless imprudence, lalo na nga kung ito ay dahil gumagamit ng telepono, naglalaro ng games o nagte-text habang nagmamaneho kahit na panandaliang naka-stop ang kotse.
Meron tayong Republic Act 10913 o ang Anti-distracted Driving Act na ipinagbabawal ang paggamit ng mga device dahil napakadaling malingat kahit na one second lang na maaaring magresulta sa injury o death sa malas na biktima.
Of course, lalong bawal ang mga nagmamaneho na driving pala under the influence of drugs o alcohol.
Naiiba talaga ang perception ng isang tao na nakainom o nakatira ng droga, kaya’t actually sa ilalim ng Anti-drunk and Drugged Driving Act of 2013, lahat ng mga drivers ng mga sasakyan na involved sa mga aksidente na may nasaktan o namatay ay dapat talaga na maipasailalim ng drug screening test para mapatunayan kung meron nga bang alcohol o droga sa sistema.
‘Pag tumanggi ay maaaring magresulta sa suspension o revocation ng driver’s license at iba pang penalties.
Tandaan, ang isang kotse ay considered as a “killing machine”. Walang panangga ang kawawang biktima kung mahagip, masagasaan o mabundol ng isang kotse or even worse ‘yung van o truck.
Kaya’t dapat palaging mapagmatiyag habang nagmamaneho.
Q: Atty., sa mga ganitong aksidente o disgrasya, ang daming nagvi-video at ina-upload agad sa social media, puwede nga po ba ‘yun?
Actually, hindi natin ito inirerekomenda lalo na kung makikita ang mukha ng mga tao, mga identifying marks or information tulad ng mga plate number halimbawa ng kotse.
Ito ay lalabag sa basic right to privacy ng mga tao, whether buhay o patay, at maaari ring lumabag sa Data Privacy Act na maaaring magresulta sa mga fines at penalties.
Kung ang pagpo-post ay makasisira sa reputasyon ng isang tao, baka magkaroon ng posibleng kaso for cyberlibel.
But of course importante ito kasi nagiging ebidensiya ‘yan tulad ng CCTV at mga video na maaaring gamitin sa kaso.
Pero kailangan nating isipin, ito naman ay basic na pagbibigay respeto at dignidad sa mga tao, whether ito ay ang mga biktima, o ang mga naiwang pamilya.
Kung ilalagay ninyo ang mga sarili ninyo sa kalagayan ng mga taong involved, gusto niyo ba na naka-post kayo o ang mga pamilya ninyo habang ‘yung biktima ay nasa isang napakasaklap na sitwasyon?
Dapat lang na irespeto ang privacy at dignidad ng mga tao at hindi rin maayos ito para sa mga nakakita. Nakakapag-trigger ng anxiety at stress sa mga makakakita ng mga videong ito.
Sa napakaraming mga insdente na nangyayari recently, mag-ingat po tayong lahat at lalo na sa mga nagmamaneho, kung inaantok, ipara muna at umidlip. ‘Pag kayo ay nakainom, tumawag na lang ng taxi. Ayaw natin na magkaroon pa ng mga ulila or mga magulang na nawawalan ng kanilang mga anak.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!