10 paraan para maging matalas ang utak

DOC WILLIEDr. Willie T. Ong – Pilipino Star Ngayon

October 29, 2025 | 12:00am

1. Gamitin lagi ang utak. Sumagot ng mga crossword puzzles at Sudoku. Maglaro ng chess. Subukang mag-multiply o magkuwenta sa pamamagitan ng isip at huwag nang gumamit ng calculator. Paganahin ang iyong utak.

2. Uminom ng vitamin B complex na may folic acid. Ayon sa bagong pagsusuri, ang pag-inom ng vitamin B complex ay ma­aaring magpabagal sa pagkakaroon ng Alzheimer’s disease at pagiging makalimutin. Hindi lang iyan, sa mga nagbubuntis, kaila­ngan ninyong uminom ng vitamin B with folic acid para hindi mag­karoon ng brain damage (neural tube disorder) ang iyong anak.

3. Kumain ng brain food o mga pagkaing mabuti sa utak. May mga pag-aaral na nagpapakita na may tulong ang pagkain ng: Isang dakot ng mani bawat araw dahil may good oils ito na nagpapataas ng serotonin levels; Matatabang isda tulad ng tilapia, sardinas at salmon na may omega-3; Olive oil at avocado na may omega-3; at dark chocolate na may flavonoids na pinapanatiling bata ang ugat.

4. Mag-internet at mag-search sa Google. May pagsusuri na nagpapakita na nakakatalino ang pag-surf sa internet. Kahit bata man o may edad, napatunayan sa brain scans na ang paggamit ng internet ay nagpapagana ng ating utak.

5. Umiwas sa alak. Ang pag-inom ng sobrang alak ay naka­babawas ng brain cells. Hihina ang iyong memorya. May sakit na kung tawagin ay “alcoholic dementia.” Ang ibig sabihin nito ay nagiging ulyanin ang pasyente dahil nabababad ang kanyang utak sa alcohol.

6.Umiwas sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nagpa­pahina sa memorya at pinagmumulan din ng kanser sa baga, lalamunan, bibig at iba pang malubhang sakit.

7. Piliting mag-aral kahit nahihirapan ka. Kahit hindi mo gaano maintindihan ang iyong leksiyon, pagtiyagaan mo pa rin ito. Sa English class, magbasa lang ng libro. Sa Mathe­matics, mag-practice sa pagsagot sa mga tanong para maging bihasa. Maya-maya, magugulat ka na lang at naiintindihan mo na pala.

8. Mangarap o mag-day dream. Oo, okay lang ang manga­rap ng gising. Kung ang pangarap mo ay maging isang piloto, abugado o doktor, isipin mo kung paano ito magkakatotoo. Ayon sa mga psychologists, kapag lagi mong inaasam ang isang bagay, gagawa ng paraan ang iyong utak at katawan na magkatotoo ito. Lahat ng nagtagumpay ay nag-umpisa lamang sa isang pangarap.

9. Protektahan ang iyong ulo. Huwag hayaang mauntog o masuntok ang iyong ulo. Magsuot ng helmet habang nagmomotorsiklo, nasa sports o nagtatrabaho. Sa mga may edad, mag-ingat sa paglalakad at baka ika’y matumba at mauntog ang iyong ulo.

10. Bantayan ang iyong blood pressure, kolesterol at blood sugar. Kailangan ay normal ang lahat ng ito para manatiling maganda ang daloy ng dugo sa iyong utak. Kung mayroon kang nararamdaman, magpatingin sa doktor.


Related posts

Estudyante, nagkaroon ng mental health problem matapos manood ng horror movie sa school!

Bakit may fatty liver? | Pilipino Star Ngayon

Crime gang leader, timbog sa intel ni Peñones!